HINIMOK ni Senadora Imee Marcos ang gobyerno na ihinto muna pansamantala ang importasyon ng bigas hanggang matapos ang anihan sa panahon ng tag-ulan sa Oktubre, para maka-rekober ang mga magsasaka sa farmgate prices na diktado ng mga rice traders.
Babala ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, posibleng muling bumulusok ang presyo ng palay mula sa kasalukuyang 12 hanggang 15 pesos kada kilo ay maging seven hanggang eight pesos na lang, tulad ng nangyari noong nakaraang taon na nagkaroon ng oversupply bunsod ng importasyon ng bigas kaya nahila pababa ang presyo.
“Ang importasyon ay hindi kahulugan ng pagtigil sa iba pang regulasyon,” ani Marcos.
“Ang paglalagay ng schedule ng importasyon ay paraan ng pagtulong natin sa mga kababayang magsasaka habang patuloy pa rin ang pagpapatupad sa rice tariffication law,” paliwanag ni Marcos.
Hinikayat din ni Marcos ang Bureau of Customs na “kagyat na umaksyon” sa mga rice trader na nalantad na misdeclared at undervalued pala ang mga na-import na mahigit sa P1 bilyon.
“Bukod sa koleksyon ng mga kulang na bayad sa buwis ng mga inimport, dapat din ikansela ang permits ng mga malalakas-loob na kartel ng mga importer at pagbalasa o pag-alis sa mga opisyal ng Customs na pinapayagan itong mangyari,” ani Marcos.
Dagdag ni Marcos, dapat din maprotektahan ang koleksyon ng taripa bilang dagdag pondo sa Department of Agriculture na malaki ang posibleng mabawas na pondo sa susunod na taon at malilimitahan ang pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka at pagbigay ng mga drying machines, tube wells, higher-yielding hybrid seeds at mga pataba.
Nababahala ang mga lokal na magsasaka sapagkat nagsimula nang mag-export muli ang mga karatig-bansa, pagkatapos ng matamlay na pag-angkat bunsod ng pandemya ng Covid-19, ani Marcos.
“Hindi dapat dumipende sa importasyon ang suplay natin ng pagkain, bagamat pinapababa nito ang bilihin para sa mga konsyumer. Dapat nating suportahan ang sarili nating suplay ng bigas,” giit ni Marcos, na binigyang-diing kaya ng mga lokal na magsasakang tugunan ang 93% ng pambansang suplay at tanging 7% lang ang kailangang iimport.
Halos wala pa ring kita ang mga magsasakang mula sa Nueva Ecija, Isabela at Bicol, dahil nasa 12 pesos ang kanilang production cost, habang halos 30% na ang kanilang naani ngayong Setyembre.
Paliwanag ni Marcos, dahil sa kawalan ng drying machines at storage facilities napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga palay sa rice traders sa mas mababang presyo sa halip na sa National Food Authority, dahil kailangan maabot ang 14% na maximum moisture content bago mabili ang palay sa presyong 19 pesos kada kilo.
Takot din ang mga magsasaka na makumpiska ang kanilang pinatutuyong mga palay sa kalsada dahil ipinagbabawal at posible pa nilang ikalugi sa mga kakumpetensyang importer ng bigas, dagdag ni Marcos.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA