PINAMAMADALI ni Senador Imee Marcos sa Department of Agriculture (DA) ang paglalabas ng P9 billion na subsidya ng gobyerno sa mga magsasakang kasado na para sa rice planting season ngayong Setyembre hanggang Oktubre.
Sa sumbong ng mga magsasaka sa opisina ni Marcos, inabot na ng ilang buwan mula nang ianunsyo ng Department of Budget and Management na may cash aid na P5,000 sa may 1.6 milyong magsasaka pero wala pa rin silang natatanggap hanggang ngayon.
“Huwag nang i-time deposit ang pondo ng mga magsasaka at hindi naman yan para tumubo ng interes sa bangko. Paspasan na ang pag-release niyan, ngayon din,” ani Marcos.
Sa katunayan aniya anumang oras pwede nang ilabas ng Land Bank of the Philippines ang mga nasabing subsidiya pero ibinibitin lang ng umano’y problema ng DA sa ID system nito para sa mga magsasaka.
“Kung di kaya ng DA na i-update ang RSBSA (Registry System for Basic Sectors in Agriculture), dapat patulong na sila sa mga municipal agriculturist na merong listahan ng mga kooperatiba ng mga magsasaka sa kanilang nasasakupan,” ayon sa senadora na chairman ng Senate Committee on Cooperatives.
Ang RSBSA ay listahan ng mga indibidwal na mga magsasakang kwalipikado sa subsidiya sa abono at binhi, pero ayon kay Marcos ay hindi dapat i-echapwera at sa halip ay ituloy ang suporta sa mga gumanda na ang kabuhayan at nagka-negosyo na ng mga produktong may ‘value-added’ o halagang dagdag gawa sa kanilang pananim.
May koleksyon ang gobyerno na P18.9 billion sa rice tariff o buwis sa pag-angkat ng bigas, at halos P9 billion dito ang pwedeng ipandagdag sa subsidiya sa mga magsasaka, bukod pa sa P10 billion na itinakda sa ilalim ng Rice Tarrification Law.
Babala ni Marcos, liliit ang ani ng mga magsasaka at kakapusin tayo ng pagkain kapag patuloy na ibinitin ang subsidiya na ipambibili nila ng mga abono at iba pang mga farm inputs.
“Ang DA mismo ang gagawa ng mas malaking problema kapag binitin pa ang ayuda para sa mga magsasaka. Tatamlay ang ani kung hindi nila kayang bumili ng abono at iwanan na lang ang pagsasaka,” paliwanag ni Marcos.
Giit ni Marcos, makatitipid ang mga magsasakang nagbubungkal ng isang ektaryang palayan ng nasa 25% hanggang 33% sa gastos sa abono, kapag ibinigay na ang limanlibong pisong ayuda.
Pumapatak kasi sa anim hanggang walong bag ng abono ang nagagamit ng mga magsasaka kada ektarya at papalo sa P15,000 hanggang P20,000 ang gastusin nila sa abonong urea.
Bitin ang supply ng abono gaya ng urea sa buong mundo at hilo na ang karamihang magsasaka sa pag-triple ng presyo mula P800 sa kada 50 kilo noong 2020, na sumirit sa P2,300 hanggang P2,500 ngayong taon.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA