December 24, 2024

IMEE: PAGPATAY SA MGA HUKOM, ABOGADO AT DISAPPEARANCES, SIYASATIN!

Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang nakaaalarmang sunud-sunod na insidente ng pagpaslang at pagkawala ng mga miyembro ng legal community o mga abogado at mga hukom.

Inihain ni Marcos ang Senate Resolution no.593 para masiyasat na ang limang insidente ng pagpaslang at dalawang disappearances sa taong ito na hindi dapat balewalain at imbestigahan ng komite sa senado na nakakasakop dito.

Nitong January 9 lang, ang dating abogadong si Atty. Edgar Mendoza ng Batangas at ang driver nito’y natagpuang patay sa isang nasunog na sasakyan sa Tiaong, Quezon. Awayan sa pera sa pagitan ni Mendoza at kliyente nitong si Sherwin Punzalan ang hinihinalang motibo sa karumal-dumal na krimen.

Ang pagpaslang kay Court Judge Jeaneth Gaminde ng San Joaquin, Manila Regional Trial Court Judge Maria Teresa Abadilla, Atty. Eric Jay Magcamit, at Atty. Joey Luis Wee ay nagpagulantang hindi lang sa legal community kundi sa buong bansa. 

Naiulat ding nawawala sina dating Court of Appeals Judge Normandie Pizarro at kamakailan ay si Atty. Ryan Oliva na hanggang sa kasalukuyan ay hinahanap pa rin ng mga awtoridad.

“Ang buong legal community, mula sa iba’t-ibang aspeto, ay nagpapahayag ng pagkadismaya, pagkondena, at takot sa sunod-sunod na pag-atake at kasamaan sa mga miyembro ng bar at iba pang mga tanggapan ng korte na nakakatakas lang sa batas at tila walang napaparusahan,” ani Marcos. 

Dagdag ng senadora na “bagamat magkakahiwalay na kaso ang mga ito, kailangan pa ring mabusisi ang isyu na kapwa biktima ang mga nasa iisang larangan, dahil sila ang inaatasan ng pamahalaan na mangalaga sa hustisya at magpatupad ng batas.” 

“Wag na tayong maghintay pa ng mga susunod na krimeng masasangkot ulit ang mga nirerespetong miyembro ng legal community bago pa tayo umaksyon sa hindi magandang insidenteng tulad nito,” pagdidiin ni Marcos.