March 29, 2025

IMEE MARCOS LUMAYAS NA SA ALYANSA

Inanunsiyo ni reelectionist senator Imee Marcos ang kanyang pagkalas sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas slate ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang hakbang na ito ay naganap ilang araw matapos hindi isama ng kanyang nakababatang kapatid ang kanyang pangalan sa isang Alyansa sortie sa Cavite, at pagkatapos ay nagpatuloy na mag-endorso lamang ng 11 kandidato sa Laguna sa halip na isang buong 12-person lineup.

Sinabi ng senadora na taliwas sa kaniyang prinsipyo at paniniwala ang mga naging aksyon ng administrasyon kaugnay sa pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t minarapat na niyang umalis sa ‘Alyansa’.

“Clearly there were actions taken by the administration which run counter to my ideals and principles. Thus, I cannot stand on the same campaign platform as the rest of the Alyansa. As I have stated from the outset of the election period, I will continue to maintain my independence” ayon sa statement nito.

“Over and above political advantage, the sovereignty of the country and the interest of true justice for every Filipino must remain paramount” dagdag na pahayag ng senadora.

Ipinunto ni Marcos ang kasalukuyang Senate foreign relations committee’s investigation dahil sa pagdakip sa dating presidente.

“Sa patuloy nilang pagbanggit ng executive privilege at sub judice rule kahit sa mga pagkakataong walang malinaw na kaugnayan ang mga ito sa tanong na ibinabato ang mga kinatawan ng gobyerno sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo ay mistulang nagtatago ng mahahalagang katotohanan.”

Aniya, ilalahad niya ang kanuyang mga natuklasan sa mga darating na araw dahil malinaw diumano na may mga hakbang na ginawa ang administrasyon na salungat sa kaniyang mga paninindigan at prinsipyo.

“Dahil dito, hindi ko na magagawang mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa. Tulad ng aking sinabi mula sa simula ng panahon ng halalan, mananatili akong independyente. Higit sa anumang pulitikal na pakinabang, dapat manaig ang soberanya ng bansa at ang tunay na katarungan para sa bawat Pilipino” saad pa ni Sen. Marcos.