December 24, 2024

IMEE MARCOS FOR MAYOR NG MAYNILA SA 2025?

Wala na sanang kahirap-hirap na muling mahalal sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde ng Manila City si Mayor Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna sa 2025 elections.

Ayon sa ating mga Marites sa Manila City hall, mukhang national position ang target ni dating Mayor Isko Moreno kaya maaring suportahan pa rin nito si Lacuna.

Sa ngayon, wala pa tayong alam na bagong pangalan sa politika sa Maynila na maglalakas loob na sumagupa kay Lacuna.

Pero papaano kung makialam ang tadhana?

Putok na putok kasi sa Manila City hall na tatakbong alkalde sa Maynila si Senator Imee Marcos.

Kung totoo man ito, dapat kahaban na si Lacuna.

Dahil kung pagbabatayan lang ang kanyang performance sa Maynila simula nang manalo itong alkalde, aba’y malabo na niyang makamit ang ikalawang termino kahit suportahan pa siya ni Isko.

Lalo na’t kapag inilarga ng utol ni Pangulong Bongbong Marcos na si Imee ang kanyang kandidatura sa pagka-alkalde. Araykupo!

Ang nakakalungkot kasi, tila pinabayaan ng administrasyong Lacuna ang “legacy” ni Mayor Isko.

Balik na naman ang basura sa gilid ng mga kalsada.

Masangsang na rin ang amoy sa bahagi ng Avenida sa Carriedo dahil sa mga nagsulputang street dwellers.

In short, bumabalik na naman sa pagkadugyot ang Maynila sa ilalim ng pamumuno ni Lacuna.

Malayong-malayo ito noong panahon ni Mayor Isko.

Sakit pa rin sa ulo ang mga naniningil ng parking fee sa ilang mga lugar dahil magkaiba ang presyo sa tiket kumpara sa tunay na ibinabayad ng mga motorista.

Ilan lamang ‘yan sa mga isyung dapat pagtuunan ng pansin ni Mayor Lacuna dahil mabigat ang kanyang makakalaban kung totoo man na target ni Imee ang Maynila sa 2025.

Abangan na lang natin kung paano makikialam ang tadhana sa Maynila.