January 23, 2025

IMEE: JEEPNEY MODERNIZATION, STOP MUNA!

DAPAT munang ipahinto ng Department of Transportation (DoTr) ang public utility vehicle (PUV) modernization program sa kabila ng matinding epekto ng pandemyang Covid-19 sa mga drayber at kanilang mga pamilya.

Sa unang pagkakataong nagsama-sama at nagkaisa ang mga lider ng anim na transport groups mula nang mag-lockdown, isinumbong nila kay Senadora Imee Marcos ang mga hinaing ng jeepney drivers sa isang meet-and-greet via Zoom.

Sinabi ni Senadora Marcos na malaking dagok ngayon sa mga mahihirap na drayber ng traditional jeepney ang halos pitong buwan ng community quarantine sa Metro Manila.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate committee on economic affairs, namamalimos na ang mga drayber dahil gutom na ang kanilang mga pamilya kasabay ng mga bayarin sa renta ng bahay, ilaw, tubig at pagkain sa araw-araw.

Sabi ni Marcos naetsa-pwera na ang mga tradisyunal na jeeps dahil mas pinaboran ng DOTR at LTFRB ang mga operator ng bus at modernized jeeps na pinabyahe sa mga ruta na malakas ang kita.

“Bakit imbes na tulungan ang jeepney driver sa panahon ng pandemya, sinamantala pa ng LTFRB at DOTr ang mga lockdown upang ipilit ang PUV modernization program na bago pa sa Covid, di na kayang bilhin ng mga pobreng driver?” galit na pahayag ni Marcos.

“Lehitimo at talagang mabigat na problema ito ng mga drivers at operators – ang mataas na presyo ng mga bagong units at kulang na kulang sila ng kakayahang pinansiyal upang makabili ng mga bagong units. Ipinaglalaban nila ang kanilang kabuhayan at bitbit din nila ang obligasyon na tulungan ang ating mga commuters na magkaroon ng ligtas at komportableng masakyan,” dagdag pa ni Marcos.

Tinukoy ni Marcos na kahit Php80,000 ang grant at Php5,000 ang gas subsidy ng DOTr, hindi pa rin ito sapat para makabili ng isang yunit ng modernized jeep.

“The 80-thousand grant plus five-thousand gas subsidy and fixed salary for drivers are not enough to help them pay for a P1.4 to P2.2 million brand new jeepney with Euro-4 capability . The government must lighten the burden of the high cost of new units because failure to do so would mean loss of public transport for most Filipinos and loss of jobs for our drivers,” paliwanag pa ni Marcos.

Bukod dito, binigyang-diin ni Marcos na napakatagal na rin at hindi matapos-tapos ang rerouting plans ng LTFRB.

Giit pa ni Marcos, wala ring natanggap sa Social Amelioration Program o SAP ang mga drayber dahil inuna ng DSWD ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon nga sa mga doctor, sinabi ni Marcos, mas ligtas pa na bumiyahe ang lumang jeepneys dahil hindi aircon at hindi nakukulob o nagtatagal ang virus sa loob kaya mas mahirap maimpeksyon o mahawa ang mga pasahero.

Bilang agarang ayuda sa mga namamalimos na tsuper, namigay si Marcos ng sako-sakong bigas sa UP campus, Quezon city at sa Dapitan Drivers and Operators of Jeepney Association (DADOJA) sa Maynila.

Nabiyayaan din ng sako-sakong bigas ang anim pa na transport groups na kinabibilangan ng PASANG MASDA ni Obet Martin, LTOP ni Lando Marquez, STOP & GO Transport Coalition ni Jun Magno, ACTO ni Efren de Luna, FEJODAP ni Ricardo Rebano at ALTODAP ni Boy Vargas.


Ito ang unang pagkakataon na nagsama-sama ang naturang mga transport leaders sa inisyatiba ni Senadora Marcos at sa tulong rin ni Manila barangay chairman Leninsky Bacud at Atty. Ariel Inton.