HALOS libre at madaling gumawa ng asin dahil dagat ang nakapalibot sa ating bansa, bakit tayo nag-iimport?
Ito ang nadidismayang pahayag ni Senadora Imee Marcos sa umano’y kakapusan ng asin sa bansa at nagdulot ng biglang pagsipa ng presyo ng tuyo, daing, at bagoong sa palengke.
Sa impormasyon na nakalap ng tanggapan ni Marcos, tumaas ang presyo ng tuyong Salinas at lapad mula sa P200 per kilo ay P280 na ngayon sa ilang bagsakan nito sa Tondo, Maynila at Balintawak, Quezon City.
Bukod sa mataas na presyo ng petrolyo, sinabi ni Marcos na idinadahilan din ang taas presyo ng asin ng mga tindera ng tuyo at daing.
Ayon kay Marcos, ang Pilipinas ang ika-lima sa may pinakamahabang baybaying dagat sa buong mundo na may sukat na 36,000 kilometro pero nag-aangkat pa ng asin sa Australia at China.
Sabi ni Marcos na lampas 90% ng asin ay ini-import ng Pilipinas sa loob ng halos tatlong dekada at walang ginawa ang ilang nakalipas na administrasyon para paunlarin ang industriya ng asin.
Tinukoy ni Marcos na pangunahing source ng asin ang Ilocos region, partikular sa Pangasinan at La Union, pero napabayaan at hindi nabigyan ng sapat na ayuda ng mga nagdaang gobyerno.
Tinukoy rin ni Marcos ang kakulangan ng suporta ng pamahalaan sa mga manggagawa sa asinan, partikular na sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at makina sa ipinatupad na ASIN law o Act for Salt Iodization Nationwide (Republic Act No. 8172) na ipinatupad noong December 1995.
“Sobrang napakahalaga ang asin sa ating buhay. Napakaraming gamit ng asin sa kalusugan, kapaligiran at pagluluto. Ginagamit din ang asin sa paggawa ng mga medisina, patuka, abono sa mga pananim, pag-preserba ng pagkain at iba pa,” ani Marcos.
Para kay Marcos, ang nakikita nyang solusyon ay isaprayoridad ni Pang. Bongbong Marcos, Jr. ang paglalaan ng dagdag na pondo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa ilalim ng Department of Agriculture para maibangon ang salt industry na gagastusin sa pagsasaliksik, pagtuturo ng bagong kaalaman at technical assistance, paggamit ng mga modernong teknolohiya at makinarya.
“Bilang Super Ate ng Pangulo, kakausapin ko si PBBM na tutukan ang produksyon ng asin, bukod sa asukal at bigas,” ayon pa kay Marcos.
More Stories
PAGGUNITA SA ALL SAINTS’ DAY GENERALLY PEACEFULL
NOVEMBER 4 IDINEKLARANG NATIONAL MOURNING PARA SA KRISTINE VICTIMS
Pang. Carlos P. Garcia, Ama ng Kilusang Pilipino Muna