Hinikayat ni Senador Imee Marcos ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gamitin ang impluwensya nito para masimulan ang bagong paraan sa pagnenegosyo ukol sa paggawa, pag-patent, pag-presyo, at pamamahagi ng mga bakuna kontra sa Covid-19.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na ang mga hindi developed na bansa ay nananatiling nakaabang na lang sa presyong dikta ng mga pharmaceutical company na humahawak ng patent ng mga bakuna.
Ayon kay Marcos, nagawa ng ASEAN na patibayin ang impluwensya nito bilang ‘trade bloc’ o pwersa sa pandaigdigang pangangalakal nuong ang sampung miyembro nitong bansa ay lumagda sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement nitong nagdaang linggo kasama ang non-member states na Australia, China, Japan, New Zealand at South Korea.
“Kumakatawan ang RCEP sa ikatlong bahagi ng populasyon ng buong mundo at sa global GDP,” paliwanag ni Marcos.
“Kailangan natin ng ‘global accord’ o kasunduan ng ibat-ibang bansa para sa bakuna kontra Covid-19, limitasyon sa presyo, sari-saring mga manufacturer at mga supply mula sa ibat-ibang mga bansa sa rehiyon,” ani Marcos.
“Maaring pasimulan ng ASEAN ang ‘new normal’ sa mga ‘patent at mga copyright’, para sa pkabutihan ng lahat,” dagdag pa ni Marcos.
Ginawa ni Marcos ang pahayag habang nagpulong-pulong ang mga bansa ng G20, kung saan apat sa mga miyembro nito – US, UK, China at Russia – ang nag-uunahan sa pagbuo ng bakuna para sa COVID-19.
Ani Marcos, dapat panghawakan ng ASEAN ang binitiwang pangako ng G20 noong Marso na “walang limitasyon sa pagsisikap, bawat indibidwal man o magkakasama, para protektahan ang buhay at siguruhin ang kabuhayan at pagkakakitaan ng mga mamamayan.”
Tinukoy din ni Marcos ang kasunduan ng World Trade Organization (WTO) na TRIPS o ang Trade-Related Aspects of Intellectual Property Rights, kung saan hinihikayat ang mga may patent sa bakuna na huminahon sa pagnenegosyo kapag may public health emergency.
“Hindi dapat kalimutan ng mga pharmaceutical firm ang napakahalagang partisipasyon ng tao sa pag-aaral ng bakuna. Walang bakuna ang mabubuo na wala ito, kaya dapat lang ibalik nila ito sa tao,” giit ni Marcos.
Aabot sa limang pharmaceutical firms ang nagka-karerahan na matapos ang four-phase trials para sa bakuna kontra Covid-19, kung saan nangunguna ang American firm na Pfizer, bukod pa sa Moderna sa US din, ang UK-based na Oxford/Astra-Zeneca, ang Sinovac Biotech ng China, at ang Gamaleya Research Institute ng Russia.
“Sobrang laki ng kinita ng Pfizer sa Viagra. Sana naman ang karera sa pagbuo ng bakuna ay talagang udyok ng pagmamalasakit na maisalba ang mas maraming buhay kaysa ang kumita ng mas malaking halaga,” pagtatapos ni Marcos.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY