December 24, 2024

Imbestigasyon sa pagdagsa ng Chinese students, hindi sinophobia – Barbers

HINDI sinophobia o racist agenda ang pakay ng House of Representatives sa isasagawang imbestigasyon kaugnay sa pagdami ng mga Chinese student sa mga lugar kung nasaan ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, welcome ang gobyerno sa lahat ng mga dayuhan, turista at investors na ligal ang pagpunta sa bansa.

“Alam mo, iyong mga nagsasabing Sinophobia at saka racism iyon, sila iyong may ganoong tendency. Tayo ay nagtatanong – national security iyong concern. Buti sana kung Marites lang ito,” ani Barbers.

“Buti sana kung iyong pinag-uusapan dito ay iyong kapitbahay lang natin. But this is a national security issue. And because this is a national security issue, hindi masama na magduda tayo, hindi masama na magtanong tayo at hindi rin masama na imbestigahan natin iyon,” dagdag niya.

Ang pahayag ni Barbers ay kaugnay sa sinabi ni Civil leader Terisita Ang See na tinawag na sinophobia at racism ang napaulat ng pagdagsa ng Chinese student sa Cagayan.

Nanindigan naman si Barbers na dapat bantayan mismo ng Chinese community ang kanilang mga kasamahan dahil ilan sa mga ito ay sangkot sa mga iligal na gawain.

“Sabi ko nga kanina, welcome ang mga Chinese. Iyong na-raid na bahay sa Taguig at sa Multinational na kung saan may mga mataas na kalibre ng baril na nahuli, hindi po ba involved ang Chinese?” wika niya. “So, I would urge the Chinese community, the Filipino-Chinese community na kung maaari po sana, to police your ranks. We’re not anti-China dito,” dagdag pa nito.

Dalawang mambabatas na ang naghain ng hiwalay na resolusyon sa Kamara para hilingin ang imbestigasyon sa pagdagsa ng Chinese students sa bansa.