NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa mga taga-suporta at kaalyado na mabigyan ng higit na seguridad at proteksyon ang kanyang pamilya sa anumang karahasan matapos bawiin ng Philippine National Police (PNP) ang 75 pulis na itinalaga sa kanyang security detail.
“Isa lang ang hiling ko sa inyo — ang kaligtasan ng aking pamilya. Huwag ninyong payagan ang anumang karahasan sa aking ina, asawa, at apat na anak, personal man o sa internet. At kung sakali man, huwag ninyong palampasin ang sinumang gagawa ng kapahamakan laban sa kanila,” panawagan ng Vice President.
Ang panawagan ni Duterte ay matapos na hikayatin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) personnel “who are good at unarmed combat and volunteering” na magbigay ng karagdagang security para kay VP Sara.
“Bayanihan lang walang suweldo,” ayon kay Dela Rosa.
Pinasalamatan ng Vice President si Dela Rosa at iba pang mga senador na sina Robin Padilla at Bong Go, PNP at AFP staff, at mga ordinaryong tao na nag-alok para magbigay ng seguridad sa kanila.
Sa hiwalay na Facebook post noong Lunes, tinawag ng Vice President na malinaw na political harassment ang pagbawi ng 75 pulis mula sa kanyang security detail.
Sa open letter ni Duterte kay PNP chief Rommel Marbil, sinabi ng bise presidente na inalis ang ilang tauhan ng PNP Police Security and Protection Group (PSPG) na nakatalaga sa kanya nang magbitiw siya bilang kalihim ng Department of Education (DepEd), at paglabas ng video ng kahawig umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tila may sininghot na pulbos.
“Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko magresign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at pagkatapos lumabas ang cocaine video. Let us spare our people from all the lies,” aniya.
“Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment,” dagdag niya.
Ayon pa kay Duterte, pinagkakatiwalaan niya ang mga inalis na pulis dahil ilan sa kanila ay nagbigay din ng seguridad sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula noong 2016, habang ang iba naman ay security detail na niya mula pa noong 2007.
“It was obviously a targeted list and a targeted maneuver — nothing else,” sabi pa ni Duterte.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Duterte na 75 tauhan ng PSPG na nakatalaga sa kanyang security detail ang inalis alinsunod sa utos ni Marbil noong Hulyo 22.
Samantala, iginiit ni VP Sara na ang pagtanggal sa security personnel ay naglagay sa kanyang pamilya sa panganib.
“Ano ba ang ibig sabihin ng ‘threat’ sa iyo? Ang banta ba ay maaari lamang magmula sa mga external elements? Hindi na ba ‘threat’ kung ang harassment ay nanggagaling mismo sa mga tauhan ng gobyerno?” giit niya.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA