November 3, 2024

ILANG SENIOR CITIZEN, PINAYAGAN NA LUMABAS

APRUBADO na ng Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig sa edad, kabilang ang mga kabataan at senior citizen, na maaring  makalabas ng kanilang bahay sa community quarantine.

Ito’y base na rin sa rekumendasyon ng mga mayor sa Metro Manila na luwagan ang age restriction kung saan edad 21 hanggang 60 lang ang pinapayagan na makalabas.

“The Duterte Cabinet, approved the gradual expansion of the age group allowed to go out,”  ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Hindi pa sigurado si Roque kung anong eksaktong edad na papayagang makalabas dahil pinaplantsa pa ito ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease.

“Titingnan po natin if it will really be 16 to 65 [years old]. Bigyan natin ng leeway ang IATF muna” dagdag ni Roque.

Ilan pa sa pinaluwag ng gabinete ay ang oras ng curfew, pati ang pagbawas sa physical distancing sa mga public transportation.