December 24, 2024

ILANG SENADOR, HATI SA PAGLAYA NI PEMBERTON

Binantayan ng anti-riot police mula sa Manila Police District ang entrance ng Palasyo sa Mendiola, Manila laban sa LGBT protesters na planong magsagawa ng aktibidad sa lugar matapos gawaran ng presidential pardon kay US Marine Joseph Scott Pemberton na na-convict dahil sa pagpatay kay transgender Jennifer Laude. (Kuha ni NORMAN ARAGA)

HATI ang ilang Senador sa pagbibigay ni Pang. Digong Duterte ng absolute pardon sa convicted murderer na si US Marine Lance Cpl.  Joseph Scott Pemberton.

Ayon kay Sen.  Risa Hontiveros,  ang pagkakaloob ng presidential pardon kay Pemberton ay isang “unbelievable affront” hindi lanh sa LGBTQI+ community kundi sa buong sambayanang Filipino.

“Ang presidential pardon na nagpapalaya sa dayuhan na pumatay kay Jennifer ay dagdag hinanakit hindi lang sa pamilya niya, kundi pati narin sa LGBTQI+ community at sa mga Pilipinong naghahanap ng hustisya,” pahayag ni Hontiveros.

Kinuwestyon pa ni Hontiveros ang ginawang pagsuporta ni Duterte sa isang murderer na Amerikano kaysa kababayang Pilipino at pamilya.

Naghain ang pamilya Laude ng motion for reconsideration sa naunag utos ng Olongapo RTC na maagang palayain si Pemberton dahil sa GCTA o Good Conduct Time Allowance.

“Pinalaya ang isang Amerikano na mamamatay tao habang nababalitaan natin ang mga kababayan natin na matatanda na nakakulong, o mga mahihirap na nakulong dahil nagnakaw ng pagkain,” ayon kay Hontiveros.

Samantala, pinuri naman ni Sen.  Imee Marcos sa desisyon ni Pang.  Duterte na palayain na si Pemberton dahil naging kwalipikado naman ang Amerikanong sundalo sa GCTA law na pinirmahan ni dating Pang.  Noynoy Aquino.

“”Ang parusa at ilang benepisyo na ipinataw kay Pemberton ay alinsunod sa ating Revised Penal Code kung saan inamyendahan ang probisyon ng good conduct time allowance (GCTA) na nalagdaan bilang batas noong 2013 ni dating Pangulong Benigno Aquino III. Ang pagpapatupad ng batas ay hindi dapat paimbabawaan ng emosyon, o maging ang panawagan ng hustisya ay wag panaigan ng paghihiganti,” ayon pa kay Marcos

“Matalino ang diskarte ni Pangulong Duterte kung paano babalansehin ang pagsunod sa batas  at maging sa pulitikal na interes sa mga karatig-bansa sa kabila ng krisis na pangkalusugan at ekonomiya bunsod ng pandemya ng Covid-19,” dagdag pa ni Marcos.

Nanawagan naman si Senadora Marcos kay Pangulong Duterte na agad sertipikahan ang pagpasa ng anti-discrimination bill na naka-tengga pa sa Kongreso, kasunod ng pagbibigay ng absolute pardon kay US Marine at homicide convict na si Joseph Scott Pemberton.

“Hindi pa rin matatahimik ang mga panawagan kontra sa paglaya ni Pemberton bunsod ng pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude hangga’t hind naipapasa ang SOGIE bill (sexual orientation, gender identity and expression) sa Kongreso at malagdaan bilang batas,” ani Marcos.

“Kailangan natin magarantiya na ang mga karahasan sa LGBT+ community at iba pang mga biktima ng diskriminasyon ay hindi na mauulit pa,” dagdag ni Marcos.

Ang bersyon ni Marcos ng SOGIE bill ang isa sa mga unang panukalang batas na kanyang inihain noong Hulyo 2019 sa kabila ng pagtutol ng mga religious groups at miyembro ng simbahang katolika.