November 23, 2024

ILANG PIRMA FORMS NA NAISUMITE SA COMELEC, BINAWI NA

Kinumpirma ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na may nag-atras na ng signature forms na naihain sa Comelec para sa people’s initiative na layong baguhin ang Saligang Batas.

Ang pagbawi ay kasunod nang anunsiyo ng Comelec na maaari nang iatras ang mga naihaing lagda para sa people’s initiative pagkatapos ng suspensyon sa pagtanggap ng signature forms.

Ayon kay Poll Chief Garcia,  isang bayan sa Antique ang nagdesisyong bawiin ang isinumite nilang lagda.

Ang signature forms na binawi sa kanilang local office sa Hamtic, Antique ay may  3,757 na pirma.

Sinabi ni Garcia na bukas ang mga tanggapan ng Comelec sa mga lungsod at munisipalidad sa nagnanais na bumawi  ng signature forms.

Kailangan lamang aniya na tiyaking ibabalik ang certification na binigay ng election officer sa tinanggap na mga lagda.

Tinitiyak naman ng Comelec na kahit suspendido ang pagtanggap ng pirma forms ang mga signature forms na hindi  babawiin ay  iingatan ng komisyon.

Sinabi ni Garcia na ang mga tinanggap na signature forms ay hindi puwedeng sunugin, itapon o punitin dahil mayroong pananagutan ang Comelec sa mga lagdang kanilang tinanggap.

Kasabay nito ang pagtiyak ni Garcia na hindi na tumatanggap ng  signature forms  at petisyon para sa people’s initiative ang kanilang local offices.