January 22, 2025

Ilang opisyal pinakakasuhan ng Senado… DEPED LAPTOP PROJECT, ‘OVERPRICED’ NG HALOS P1-B

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at perjury laban sa ilang kasalukuyan at dating opisyal ng Department of Education (DepEd) at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Ito ay may kaugnayan sa maanomalyang pagbili ng laptop para sa mga public school teachers. Inilabas ng Senate Blue Ribbon ang Committee Report No. 19, kung saan idineklara na may malinaw na mga ebidensya na nagsasabing overpriced ng P979 million ang P2.1 billion na kontrata para sa 39,000 laptops na binili noong 2021.

Kabilang sa sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at perjury sina DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, dating DepEd Alain Pascua, dating Assistant Secretary Salvador Malana III, Director Abram Abanil; dating PS-DBM OIC Executive Director Lloyd Christopher Lao; dating OIC Executive Director Jasonmer Uayan, Special Bids and Awards Committee Chairman Ulysses Mora, gayundin ang mga miyembro ng SBAC, Engr. Marwan Amil at mga principal, kinatawan at ahente ng joint venture consortium partners.

May karagdagang kasong falsification of documents laban kina Sevilla at dating Executive Assistant Alec Ladanga. Inirekomenda rin ang abolisyon ng PS-DBM at hinimok ang mga ahensya ng gobyerno na pangunahan na lamang ang procurement ng sarili nilang kagamitan.

Hinimok din ang COA na mag-isyu ng notice of disallowance at bawiin ang P979 million na overpriced at ilagay sa special national teachers trust fund. Iminungkahi rin ng komite ang pag-amyenda sa Republic Act 9184 o ang Procurement Law upang matiyak ang transparency at accountability, gayundin ang pagsasagawa ng tax fraud audit at imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council.

Ang committee report ay nilagdaan ng 12 senador.