December 24, 2024

Ilan pang Abu Sayyaf ang isasakay sa jet ni Misuari?

PANAHON na para pagbayarin ang mga armadong grupo sa bansa. Silang mga mahilig mangikil, manloob, magtanim ng bomba, mangidnap at pumatay at halos lumuhod na ang gobyerno para mapasuko lang sila. Kinakamkam din nila ang ilang lupain dahil sa nais nilang maghari-harian.

Mayroong iba’t ibang prebelehiyo ang mga militante sa bansang ito at umaasa ang publiko na hindi makasasama rito si Abu Sayyaf commander Anduljihad Susukan, alyas Idang.

Ayon sa militar, kinakailangan daw masuri ng doktor itong si Susukan para ipa-checkup ang kanyang prosthetic arm. Naputulan siya ng braso nang makasagupa ng tropa ng gobyerno. Estilo raw ng demonyong ito na magpalipat-lipat sa Sulu patungo Zamboanga, gamit ang iba’t ibang alyas’, sakay ng private jet kasama si Moro National Liberation Front chairman Nur Misuari. Saan kaya kumuha ng pondo si Misuari para kumuha ng mamahaling sasakyang panghimpapawid?

Si Susukan ay naging bahagi ng MNLF na naglatag ng kaguluhan sa Zamboanga City noong 2013. Ang pangkat ng MNLF ay naghayag ng pagsasarili ng Republikang Bangsamoro at nais na itaas ang kanilang watawat sa harap ng pamahalaang pambayan ng Zamboanga.

Ang sagupaan ay nagdulot ng pagkaalis at paglikas ng mahigit 100,000 katao, pagsakop ng ilang mga barangay ng lungsod ng MNLF, pagkamatay ng ilang mga sibilyan kabilang na ang mga bata, at pagsasara ng Paliparang Pandaigdig ng Zamboanga (na nabuksang muli), at ang pagsasara ng ilang mga establisyamento sa lungsod.

Itinanggi ni Musuari na may kinalaman siya sa kaguluhan.

Matapos ngang mamataan si Susukan sa Davao noong nakaraang linggo kasama si Misuari. Sinabi na nagdesisyong sumuko ang nasabing bandidong Abu Sayyaf sa pamamagitan ng MNLF chairman. Dinampot si Susukan ng pulisya sa Davao.

Hindi naman bumenta sa Defense at military official ang kuwento ng pagsuko, sabay sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na maaring maharap sa kaso si Misuari sa ilalim ng bagong Anti-Terrorism Act dahil sa pagkakanlong kay Susukan, May mga hindi pa kumpirmadong report na nakita raw si Susukan kasama si Pangulong Duterte sa Davao City. Ngayon ang tanong, ilan pa kayang bandidong Abu Sayyaf ang isasakay sa jet ni Misuari?