January 20, 2025

IKATLONG IMPEACHMENT COMPLAINT ISINAMPA VS VP SARA

ISINAMPA na ang pangatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa House of Representatives.

Mayroong 12 na nagreklamo na binubuo ng mga abogado, pari, at mga manggagawa ng non-government organization (NGO) mula sa Mindanao at iba pang bahagi ng bansa na binanggit ang katiwalian at paglabag sa tiwala ng publiko bilang mga dahilan sa paghahain ng ikatlong impeachment complaint  laban kay VP Sara.


Kabilang sa mga kilalang grupong nagsampa ng reklamo ay ang National Union of Peoples’ Lawyer (NUPL-Mindanao).

Ang reklamo ay may kaugnayan pa rin sa sinasabing maling paggamit ng mga kumpidensyal na pondo ni Duterte sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo (OVP) at sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd).

Inendorso nina Camarines Representative Gabriel Bordado Jr at AAMBIS-OWA Representative Lex Colada ang complaint sa House of Representatives Secretary General.

Nangako ang mga complainant at endorser na maglalabas ng karagdagang pahayag kapag natapos na filing procedures.

Bago ito, dalawang hiwalay na reklamo ng impeachment ang isinampa laban kay Duterte ngunit nakabinbin pa rin sa Kamara.