December 25, 2024

IKALAWANG BATCH NG MGA PINOY SEAFARER, BINAKUNAHAN SA TAGUIG


TAGUIG CITY – Sumalang ang panibagong batch ng Pinoy seaman sa vaccination centers sa loob ng Bonifacio Global City sa naturang lungsod kahapon ng hapon

Dakong alas 4:00  ay itinuloy ng Taguig City Government ang pagtuturok ng bakuna sa panibagong batch na 500 Pilipinong seaman na kabilang sa priority list ng gobyerno sa vaccination program.

Sinabi ni Taguig City Mayor Lino Cayetano na ito ay bahagi pa rin ng pagkilala sa kabayanihan ng mga Pinoy seaman dahil sa napakalaking kontribusyon ng mga ito sa ekonomiya ng bansa.

Dagdag pa ni Cayetano ang mga seafarer ang nagdadala ng mga pangangailangan ng bawat mga bansa sa buong mundo tulad ng mga pagkain, gamot at mga kagamitan na kailangan ngayong panahon ng pandemya kung kayat kinikilala ng Lokal na Pamahalaan ng Taguig ang sakripisyo ng mga Pinoy seaman.

Nauna nang binakunahan noon nakaraang linggo ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang 500 Pinoy seaman kaalinsabay ng pagdiriwang ng  International Seafarer’s Day, na isinagawa sa Lakeshore Mega Vaccination Hub, Lower Bicutan sa nasabing lungsod.

Bukod kay Mmayor Cayetano, dumalo sa kaganapan sina Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, Testing Czar Secretary Vince Dizon at Alan Tanjusay, spokesperson ng Associate Labor Union.

Binigyan linaw naman ni Sec. Roque na ang bakuna ay hindi gamot sa COVID-19 kundi proteksiyon natin para labanan ang virus.

Kailangan pa rin ang pagsunod sa minimum public health standard kabilang na ang pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing at hugas kamay.

Inihayag ni Mayor Cayetano na hanggang hatinggabi kada araw ang operasyon ng pagtuturok ng bakuna sa mga Taguigueño sa mga vaccination hub ng lungsod upang mas mapabilis at marami pa ang ma-accommodate sa mga nais na mabakunahan para matiyak ang kanilang proteksiyon kontra COVID-19.