
Sisimulan na ng Intergovernmental Fiscal Policy Board (IFPB) ang pagsusuri sa formula ng Annual Block Grant (ABG) para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang hakbang tungo sa mas matatag na piskal na awtonomiya at pangmatagalang kaunlaran sa rehiyon.
Ang IFPB ay pinamumunuan nina Finance Secretary Ralph G. Recto para sa National Government at Minister of Finance, Budget and Management Ubaida Pacasem para sa Bangsamoro Government.
Alinsunod ito sa itinakda ng Section 22, Article XII ng Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law (BOL), na nag-aatas ng pagsusuri sa Block Grant formula tuwing limang taon.
Kumpiyansa si Secretary Recto na magbubunga ito ng mas episyente at makataong formula: “I am optimistic that this review will result in a more responsive and effective Block Grant formula that will further strengthen the BARMM towards a just and lasting peace as well as inclusive development in the Bangsamoro region,” aniya.
Ang halaga ng Block Grant ay katumbas ng 5% ng netong koleksyon ng buwis sa bansa at ng Bureau of Customs mula sa ikatlong taon bago ang kasalukuyang taon. Noong 2024, tumanggap ang Bangsamoro Government ng PHP 70.51 bilyon mula sa National Government. Umabot naman sa PHP 337.53 bilyon ang kabuuang Block Grant na natanggap ng rehiyon mula 2020 hanggang 2024.
Ang IFPB ang inatasang magsuri sa formula ng ABG upang matiyak na tumutugon ito sa kasalukuyang pangangailangang piskal ng Bangsamoro Government, at sa aktwal na kakayahan nitong makalikom ng kita. Layunin din ng pagsusuri na tiyakin ang transparency at performance-based na paggastos ng pondo.
Kabilang sa mga isasaalang-alang ng IFPB ay ang konsultasyon sa mga development partner at ASEAN countries na may malawak na karanasan sa pamamahala at pagpapatupad ng block grants o kahalintulad na mekanismo ng pondo.
Target ng IFPB na tapusin ang pagsusuri sa unang bahagi ng 2026 upang maisama ang bagong ABG computation sa paghahanda ng pambansang budget para sa 2027.
Mainit namang tinanggap ni Minister Ubaida Pacasem ang pagsusuri at pinasalamatan ang National Government sa aktibong hakbangin para sa ikabubuti ng rehiyon.
More Stories
“HINDI PA PINAL!” – Atty. Ian Sia, sumalag sa isyu ng disqualification
Pamilyang Villar, todo-suporta sa kandidatura nina Camille at Cynthia Villar sa Las Piñas motorcade
SUPREMO, TANGGOL NG BATANG QUIAPO, NANLIGAW SA MANILEÑO