March 25, 2025

ICC NAGTAKDA NG DEADLINE PARA ISUMITE MGA EBIDENSIYA SA DUTERTE CASE

Inatasan ng International Criminal Court (ICC) ang parehong panig ng prosekusyon at depensa sa kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsumite ng ebidensya sa Abril, bilang paghahanda sa naka-iskedyul na pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso sa Setyembre 2025.

Sa kautusang may petsang Marso 21, inilatag ng ICC Pre-Trial Chamber I ang mga partikular na rekisito para sa parehong panig. Inutusan ang prosekusyon na magsumite, bago o sa Abril 4, 2025, ng detalye ukol sa kabuuang bilang ng mga dokumentong ebidensya na kanilang ihaharap.

Kasama rito ang impormasyong kung sila ba ay magtatangkang gumamit ng hindi nakasulat na dokumentaryong ebidensya, ang bilang ng mga testigo, at ang mga pahayag ng mga testigong ito.

Inaatasan din ang prosekusyon na ihayag kung sila ay hihingi ng anumang uri ng protective measures para sa mga posibleng testigo, at kung ipagpapatuloy pa ba nila ang imbestigasyon laban kay Duterte, pati na rin kung paano ito maaaring makaapekto sa proseso ng pagsisiwalat ng ebidensya.

Sa kabilang banda, may hanggang Abril 11, 2025, ang kampo ng depensa ni Duterte upang tumugon sa mga isinumiteng dokumento ng prosekusyon. Kailangan din nilang ideklara kung sila ay magpapakita rin ng ebidensya o tatawag ng sarili nilang mga testigo sa pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso.

Tinalakay din ng ICC ang usapin ng partisipasyon ng mga biktima sa proseso. Inatasan ang Registry na magsumite ng obserbasyon ukol sa mga aplikasyon ng mga biktima para makilahok sa proseso sa Abril 2, 2025.

Saklaw ng ulat na ito ang detalye tungkol sa admission process, patunay ng pagkakakilanlan, at legal na kinatawan. May hanggang Abril 11, 2025, ang prosekusyon at depensa upang magpasa ng tugon sa mga obserbasyong ito.

Ang disclosure process ay mahalagang hakbang sa pagtiyak ng transparency at pagiging patas ng mga judicial proceedings ng ICC. Pinapayagan nito ang parehong panig na maihanda nang maayos ang kani-kanilang kaso at matiyak ang karapatan ng lahat ng mga sangkot.

Ang kasong ito, na nakatuon sa mga alegasyon ng crimes against humanity kaugnay sa kontrobersyal na “war on drugs” ni Duterte, ay patuloy na sinusubaybayan ng international community. Ang itinakdang timeline ng ICC ay patunay ng kanilang paninindigan sa hustisya at due process habang umuusad ang mga paglilitis.