January 23, 2025

IBALIK NATIN ANG PUNO, KAIBIGAN

Muli, isa na naman pong magandang araw sa inyo, mga mahal kong mga kababayan. Mga minamahal kong mga Ka-Sampaguita. Nawa’y lagi po kayong nasa mabuting kalagayan at di sana magmaliw ang di nauubos na biyaya ng ating Panginoong Diyos. Muli na naman tayong tatalakay ngilang paksa lalo na ang may kinalaman sa ating Inang Kalikasan.

Saan man tayo bumaling— kapag tayo ay nasa kalungsuran, halimbawa, partikular sa Metro Manila, mukhang pailan-ilan na lang ang mga puno. Kung meron man, bilang lang sa kamay.

Sa bawat isang kilometro ata, kapag binaybay mo ang isang liwasan, ala ‘e, isang puno lang ang makikita. Suwerte na ‘yung tatlo. Sa halip na puno ay poste ng kuryente, mga sawali at mga pinagtagpi-tagping karton at ilang piraso ng tabla sa ilalim ng tulay at sa mga daluyan ng tubig— mga barung-barong na animo’y kabuteng sumulpot. Isang masalimuot na tanawin sa siyudad.

Masakit sa mata. Pero, kung may mga punongkahoy, tiyak na masarap tingnan sa mata. Kung pag-aaralan at magsusuri tayo, ang mga sakit na nararamdaman ng halos 12 porsiyento ng populasyon sa lungsod ay may kaugnayan sa respiratory o sakit sa baga. Bakit? Dahil sa nababalot ngpolusyon ang lungsod. Okay lang sa probinsiya dahil marami-rami pa ring puno kung tutuusin.

Tungkol dito, naalala ko ang isang komersiyal noon tungkol sa puno na may kantang ‘ Ibalik Natin ang Puno, Kaibigan” na inawit ng ‘Apo Hiking Society’. Ito ay nagbibigay ng mensahe nng kahalagahan ng mga puno; at kung ano ang mangyayari kapag nawala na ang mga ito— o kung walang puno sa ating bayan. Sa pagkakatanda ko, dekada 80 pa ang patalastas na iyon.

Kapag maraming puno, ang maitim na papawirin sa kalunsuran, ay magiging maaliwalas na mayuming bughaw. Batay pa nga sa pag-aaral, kapag maraming puno sa siyudad, nakakatanggal ito ngstress, nakagaganang mag-ehersisyo, nakabubuti sa kalusugan, at nakahahaba ng buhay.

Ang isa pang nakagugulat, natuklasan pala sa bansang India, na kapag may may mga puno o dinaan ito sa Urban Landscaping, nakatutulong ito ipang bumaba ang antas ng krimen. Nagiging disiplinado ang mga kabataan, mga motorist, dahil ang polusyon na nakakapagbigay bagot at init ngulo ay napapalitan ng ginhawa at gaan ng loob. Kitam!

Bibihira na sigurong may magbarilan pa sa lansangan kapag napapalibutan tayo ng paderng mga puno. Kasi, siguro… nakatutulong ang punongkahoy upang mapalamig ang isang teritoryo, dahil isa itong natural air conditioner, na mas mabisa ang epekto sa 10 silid na mayroong air conditioner na kumukunsumo ng 20-oras kada araw. Yan ang nagagawa ng isang puno. Napapaigi rin nito ang kalidad ng tubig sa ilog, sa imbakan sa reserve area gaya ng dam.

Nakatutulong din sa ekonomiya ang mga puno, dahil sa karanasan natin, ang mga residential area na may mga puno ay nakakaakit ng mas maraming residente, aktibidad pang-komersiyo at nagpapalakas ng industriya. Nakagagagan din ito ng pakiramdam at binabawasan ang noise pollution, baha, lakas ng bugo ng hangin kung may bagyo at nakapagbibigay ng magandang tanawin at pagbibigay ng tahanan sa mga kinapal gaya ng ibon.

Sa China, may proyekto silang Wall Tree o bawat lansangan, kalsada, highway ay may mga puno. Sa atin, pwede naman magkaroon ng gubat sa konkretong siyudad, halimbawa, ang isang umbok ng basura, kapag tinabunan ng lupa, o nilinang sa paligid nito para tamnan ng puno, magiging kapaki-pakibanang.

Pwede itong gawin ng maigi sa Smokey Mountain, sa palibot ng Laguna de Bay, sa mga daluyanng tubig  at kailugan para iwas baha. Kapag naisip ito ng mga namumuno, masasagot na nila ang simpleng solusyon sa polusyon at baha— ang pagtatanim ng laksa-laksang puno.Adios Amorsekos.