December 26, 2024

IAS ILILIPAT SA NAPOLCOM – CAYETANO

DINIIN ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes na kailangan mapalakas ang Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) upang epektibong labanan ang katiwalian sa hanay ng mga pulis.

Ipinahayag ito ni Cayetano sa isinagawang diskusyon ng plenaryo sa Senate Bill 2449, ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang PNP sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ilang pagbabago sa organizational structure nito.

“In my 31 years in the government, parang hindi pa ako nakakakita ng malalaking kaso sa PNP na ang nag-expose ay y’ung IAS,” pahayag ng senador.

Dagdag niya, dapat maramdaman ng mga pulis na may institusyong nagbabantay sa kanila at may kakayahang panagutin ang sinumang pulis, mula sa pinakamababang ranggo hanggang sa pinakamataas.

Hinimok ng independent senador si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na maglagay ng ilang probisyon sa panukalang batas na magpapahusay sa kakayahan ng IAS na mag-imbestiga.

“Kabilang dito ang paglilipat sa IAS sa ilalim ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa halip na sa PNP Chief,” ayon kay Cayetano.

Sa ganitong paraan, ani Cayetano, magiging mas malaya ang IAS na imbestigahan ang anumang kaso nang hindi pinakikialaman o ginagantihan ng sangkot na partido.

Poprotektahan din aniya nito ang mga matuwid na pulis na ginagawa lang ang kanilang trabaho.

“This strengthening of IAS will also protect policemen kasi marami pong matitinong pulis na kapag nanghuli, babaligtarin pa sila,” pahayag niya.

“Kasi [ang nangyayari] nagkakaasaran. Halimbawa, iniimbestigahan niya ang isang heneral and ‘yung heneral na ‘yun ay naging Chief PNP, hindi siya ipo-promote kasi inimbestigahan siya,” dagdag niya.

Sumang-ayon si dela Rosa, na naging PNP Chief sa loob ng isang taon at siyam na buwan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, kay Cayetano na dapat ngang palakasin ang IAS bilang bahagi ng reporma ng PNP, gaya ng paglalagay ng mga insentibong makakaakit sa mga mahuhusay at “snappy” na mga pulis na pumasok sa IAS.

Inirekomenda din ni Cayetano na gawing mas mabilis ang promosyon at pagandahin ang sweldo ng mga pulis na magpapasyang maging bahagi ng IAS.

Inirekomenda rin ng independent senator na awtomatikong bigyan ng P5 milyon ang IAS sa tuwing may priority investigation ito na kailangang isagawa.

“One deterrent to investigators is imbestigador ka nga, wala ka namang resources para mag-imbestiga. Bilang isang imbestigador, kailangan mo ng pera kung ito ay upang bumili ng impormasyon, para sa lie detector test, o upang lumipad ng mga saksi,” aniya.

Pinasalamatan ni dela Rosa si Cayetano sa kanyang “magagandang mungkahi” at nangakong pag-aaralan at isasaalang-alang ang mga ito para sa mga posibleng amendments sa panukalang batas.