February 11, 2025

HVI tulak, huli sa P353K shabu sa Valenzuela buy bust

TIKLO ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu ng pulisya sa buy bust operation sa Valenzuela City.

Sa report ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga ni alyas ‘Jay’, 36, ng Brgy. Mapulang Lupa.

Nang magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon sa suspek, agad bumuo ng team si Capt. Dorado saka ikinasa ang buy bust operation kontra kay alyas Jay.

Nang matanggap ang senyas mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-9:40 ng gabi sa West Service Road, Brgy., Paso De Blas.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Cayaban na nakuha sa suspek ang 52 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P353,600.00, buy bust money na isang P500 bill at walong pirasong P1,000 boodle money at P300 recovered money.

Ayon kay SDEU investigator P/MSg. Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.