May 31, 2025

HVI NA TULAK NG DROGA, TIMBOG SA P2.1M SHABU SA ANTIPOLO

ANTIPOLO CITY — Timbog ang isang itinuturing na High Value Individual (HVI) sa kalakalan ng iligal na droga matapos mahulihan ng mahigit P2.1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Team ng Antipolo Component City Police Station.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO 4A Calabarzon, isinagawa ang operasyon bandang alas-2:00 ng madaling araw ng Miyerkules, Mayo 29, sa Brgy. San Luis, Antipolo City.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas “Jovet”, nasa hustong gulang at residente ng ML Quezon, Brgy. San Roque, sa parehong lungsod.

Nahuli si “Jovet” matapos kumagat sa bitag ng poseur buyer na pulis sa isinagawang operasyon. Nakuha sa kanyang pag-iingat ang 310 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P2,108,000.00.

Bukod sa droga, nasamsam rin mula sa suspek ang isang cellphone, isang black pouch bag, at ang ginamit na boodle marked money na nagkakahalaga ng P3,000.00.

Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy ang paalala ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan upang tuluyang masugpo ang salot na droga sa lipunan. (KOI HIPOLITO)