January 24, 2025

HVI na tulak arestado sa 500K shabu sa Caloocan

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang tulak ng illegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.5 milyong halaga ng shabu nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si Michael Magdaong, 49, wood seller at residinte ng Phase 4, Lot 1, Bagong Silang, Barangay 176, Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police ng impormasyon mula sa isang Regular Confidential Informant (RCI) na nagbebenta umano ng shabu ang suspek kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang positibo ang ulat, agad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Ronald Allan Soriano, kasama ang 3rd MFC, RMFB at mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 11 ng joint buy bust operation kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P6,500 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng suspek ang markadong salapi mula sa pulis poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba sa Robes 1, Brgy. 175, dakong alas-3:30 ng madaling araw.

Ayon kay Cpt. Soriano, nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 80 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P544,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang anim pirasong P1,000 boodle money at pouch bag.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.