February 14, 2025

HVI, kulong sa higit P400K shabu sa Valenzuela

KALABOSO ang isang drug suspect na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P400K halaga ng shabu sa buy bust operation sa Valenzuela City, Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni P/Lt. Col. Timothy Aniway Jr., hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ag suspek na si alyas “Arvie”, 38, ng Brgy. Marulas.

Sa kanyang ulat kay NPD Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Lt. Col. Aniway na ikinasa nila ang buy bust operation sa pangunguna ni P/MSg Rolando Tagay, katuwang ang mga tauhan ng Sub-Station 3 ng Valenzuela police matapos isa sa kanyang mga tauhan ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Arvie.

Matapos matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back-up na operatiba saka dinamba ang suspek sa loob ng gate ng isang bahay sa Libra St.,  Batimana Compound, Brgy. Marulas dakong alas-11:55 ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 65.49 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P445,332, at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 9-pirasong P500 boodle money.

Nakatakdang isalang sa inquest proceeding sa Valenzuela City Prosecutor’s Office ang suspek para sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Pinapurihan naman ni Col. Ligan ang mga DDEU sa kanilang didekasyon para panatilihing ligtas ang komunidad sa pamamagitan ng patuloy na operasyon laban sa droga.