March 25, 2025

HVI drug suspect, arestado sa P700K bato sa Caloocan

SWAK sa selda ang isang tulak ng droga na nitinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.7 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Lunes ng madaling araw.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col/ Edcille Canals ang suspek na si alyas “Yassin”, 29, ng Kaagapay Road, Brgy. 188.

Ayon kay Col. Canals, nagpositibo ang natanggap na ulat ng Station Drug Enforcement Unit (SDUE) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng suspek kaya ikinasa nila ng buy bust operation, sa koordiansyon sa PDEA.

Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba ng SDEU dakong alas-12:19 ng hating gabi sa Lourdes St., Brgy., 28.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 105 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P714,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money at belt bag na itim.

Sasampahan ng pulisya ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, at 11 ng Article II ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Presecutor’s Office.

Pinuri ni Col. Ligan ang mabilis at mapagpasyang aksyon ng mga arresting officer na muling pinagtibay ang pangako ng NPD sa pagpapanatili ng peace and order sa komunidad.