December 23, 2024

HUWAG SIYANG UMASTANG DIYOS – HONTIVEROS (Quiboloy humirit ng hospital arrest)

BINARA ni Senator Risa Hontiveros ang hiling ni Pastor Apollo Quiboloy na ilagay siya sa hospital arrest sa kabila ng seryosong mga krimen na kinakaharap nito tulad ng sexual abuse at human trafficking.

Nagbigay ng reaksyon si Hontiveros sa request ni Quiboloy sa Pasig Regional Trial Court na payagan siyang mailipat sa ospital sa Davao City.

Kasalukuyan siyang nakakakulong sa Philippine National Police Custodial Center.

 “Dapat walang special treatment sa kanya. Napaka-entitled at wala sa lugar ang paghiling niya ng hospital arrest sa Davao,” ayon kay Hontiveros.

“Wala din siyang karapatan na mamili kung saan niya gustong ma-detain. Wala na siya sa loob ng ‘King Dome,’ kaya huwag na siyang mag-astang Diyos,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang request ni Quiboloy para sa hospital detention sa kanyang balwarte – Davao City.

“Bakit nga ba sa Davao? Dahil ba may isang kaibigan siyang maimpluwensiya doon?” ani ng senador.

 “Seryosong mga krimen ng human trafficking, rape, at child abuse ang kinakaharap ni Apollo Quiboloy. Dapat pantay-pantay ang trato sa mga akusado, anuman ang kanilang katayuan o koneksyon,” dagdag pa nito.