December 24, 2024

Huwag kayong magtaka kung hindi ninyo nakukuha ang inyong ayuda mga taga-Malaria, Caloocan City

Alam ba ninyo ang modus ng ilang mga  taga-barangay, lalo na ang Barangay 185 sa Caloocan City? May taga-kuha ang pamunuan ng barangay ng inyong ayuda mula sa Western Union.

Kahapon lamang ay natiklo ang isang Ericka Ignacio Francisco, tauhan  at kawani ni Barangay 185 Kap. Ronnie Masaoay.

Napag-alaman na itong si Francisco ay hindi lamang tatlong beses na kumuha ng money remittance sa Western Union kung saan nakalagak ang ayuda para sa Brgy Malaria.

Ipiniprisinta nitong si Francisco ang pekeng ID. Nakapangalan sa tatanggap ng ayuda ang ID subalit mukha niya ang nakadikit na larawan.  Nakapangalan sa isang  Arlene Miranda Suarez ang ayuda  na muntik nang hindi matanggap ng pobre.

Ayon sa mga taga-Western Union, namukhaan nila si Francisco dahil sa paulit -ulit na pagpila nito. Laking gulat na lamang daw nila ng ibang pangalan na naman ang nakalagay na ipinrisintang ID nito.

Inamin ni Francisco ang krimen at ibinunyag nito na halos lahat ng taga Barangay 185 ay gumagawa ng parehong katiwalian.

Ayon sa suspek , kapag sila ay umikot sa mga bahay-bahay para sa ayuda at wala ang taong nakapangalan sa DSWD master list ay agad nila itong  ginagawan ng Residence Identification Card o RIC mula mismo sa barangay 185 sa ilalim ng pamumuno ni Kap Masaoay.

Sa kasalukuyan ay hindi pa din mahingan ng kanyang salaysay si Kap Masaoay.  Habang hinahanda na ng pulisya ang patong-patong na kaso laban kay Francisco.