November 30, 2024

Hustisya hiling ni Sen. Bong Go… HIGIT 400 PINOY SA ITALY NABIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING

NANINDIGAN si Senator Bong Go ng hustisya para sa higit 400 Pinoy na naghahanap ng trabaho sa Italy matapos silang mabiktima ng illegal recruitment at human trafficking.

Agad namang kumilos konsulado ng Pilipinas sa Milan at Department of Migrant Workers (DMW) upang tulungan ang mga biktima ng illegal recruitment scheme, na sinasabing kinasasangkutan ng Alpha Assitenza SRL.

Hinimok ni Go ang DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) na palawigin ang kanilang buong suporta sa mga apektadong indibidwal. Nanawagan din siya sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa pangyayari.

“Kailangan nating siguraduhin na ang bawat Pilipino, nasaan man sa mundo, ay protektado at hindi biktima ng panloloko. Hindi natin papayagan ang ganitong klaseng krimen lalo na kung ang OFWs na tinuturing pang bagong bayani ang bibiktimahin,” saad ni Go.

“Mahirap ang mawalay sa sariling pamilya para lang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga anak. Huwag natin hayaan na sa kagustuhan nilang guminhawa ang kanilang buhay ay sila pa ang maloloko ng mga mapangsamantalang mga tao,” iginiit niya.

Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahaan ng kooperasyon at transparency sa isasagawang imbestigasyon.

“Hinihikayat ko ang lahat ng sangkot na maging bukas at makipagtulungan sa imbestigasyon. Ang katotohanan ay dapat magdala ng hustisya sa mga salarin,” dagdag niya.


Bilang vice chairperson ng Senate committee on migrant workers, sinabi ni Go na handa siyang lumahok sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng illegal recruitment kasunod ng resolusyon na inihain ni Senator Raffy Tulfo.

Kailangan aniyang mag-imbestiga upang matiyak na hindi na mauulit ang mga ganitong krimen.

Nanawagan din ang senador ng sama-samang pagsisikap na pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo.

“Hindi tayo titigil hanggang hindi nakakamit ang hustisya para sa kanila,” pagtatapos ni Go.

Samantala, nangako ang gobyerno ng legal aid sa mga Pilipinong nabiktima ng scam sa Italy, habang ang mga abogadong Italyano ay nakatakdang tulungan ang mga biktima sa pagsasampa ng class suit laban sa kumpanya. Nakikipagtulungan din ang DMW sa DOJ para idokumento at imbestigahan ang mga reklamo.

Naaakit umano ang mga biktima na magbayad ng malaking halaga kapalit ng trabaho sa mga hotel at restaurant sa Italy.

Ngunit natuklasan ng maraming biktima na peke ang work permit na ibinigay ng Alpha Assistenza SRL. Nang humingi sila ng refund, binigyan sila ng mga tseke na walang pondo.

Nangako naman ang Alpha Assistenza SRL na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng gobyerno. Sasagutin umano nila ang mga paratang sa tamang forum.