December 28, 2024

Huling Tula ng Pambansang Bayani

NAKATAKDA ang paggunita sa ika-128 anibesaryo ng pagkamatir ni Dr. Jose P. Rizal ngayong 30 Disyembre 2024 Lunes ng umaga na magaganap sa seremonya ng pagtataas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng bayan isa Liwasang Rizal, Lungsod Maynila, na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.

              Ang sulat -kamay ni Dr. Jose Rizal sa unang saknong ng
“Mi Ultimo Adios” (1896)

 

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Rizal sa Bagong Pilipinas: Buhay at Aral, Aming Nilalandas”.

Sa tuwing sumasapit ang ganitong okasyon ay hindi maiiwasang balikan ang huling tulang kanyang isinulat bago bitayin. Bagamat may natagpuang mga pirasong papel na may sulat ng bayani sa kanyang sapatos bago bitayin noong hukayin ang kanyang labi, hindi na ito mababasa pa dahil sa kumupas na tinta at pagkapunit ng mga bahagi.

Ang tula ay hindi nilagyan ng pamagat ni Dr. Rizal. Sa halip si Mariano Ponce (1863-1918) ang nagbigay ng pamagat na “Mi Ultimo Pensamiento”.

Mga labi ng sapatos at sombrero ni Rizal na kaniyang sinuot nang siya ay binitay (Kuhang larawan sa Dambana ni Rizal, 2024)

Sa bisperas ng pagbitay kay Rizal ay dumalaw sa huling pagkakataon ang inang si Teodora Alonso (1827-1911); mga kapatid na sina Narcisa (1852-1939), Lucia (1856-1919), Maria (1859-1945), Josefa (1866-1945), Trinidad (1868-1951), at dalawang pamangkin. Bago umalis ay ibinigay ni Rizal kay Trinidad ang alkohol na lutuan na lihim na inilagay ang tula at sinabi sa wikang Ingles na “may laman” sa loob. Ingles ang ginamit upang hindi maunawaan ng mga sundalong Espanyol at batid ni Trinidad sapagkat siya’y tinuruan nito. Pagkauwi sa tahanan ay nakita ang tula mula sa tinuping maliit na papel na walang pamagat, walang petsa, at walang lagda na binubuo ng labing-apat na saknong. Nagawang maparami ang kopya ng tula at ipinadala sa mga kaibigan ng bayani sa loob at labas ng bansa.

Naipalimbag ni Ponce ang tula sa Hong Kong noong 1897. Nakatanggap ng kopya ng tula si Padre Mariano Dacanay habang nakapiit sa kulungang Bilibid, at naipalimbag sa ang tula sa titulong ‘Ultimo Adios’ sa unang isyu ng pahayagang ‘La Independencia’ (1898-1900) noong 25 Setyembre 1898 Linggo.

Matapos sakupin ng Estados Unidos ang Pilipinas bunga ng Digmaang Espanyol-Amerikano (Abril-Setyembre 1898), ipinadama sa mga Pilipino ang pagiging mababang uri ng lahi at walang kakayahang magkaroon ng sariling pamahalaan. Ipinagtanggol ni U.S. Representative Henry A. Cooper (1850-1931) ang mga usapin sa Pilipinas at binigkas ang tula ni Dr. Rizal sa kongreso ng U.S. Dahil sa kadakilaan ng tula, ang kapwa kongresista ay bumuo ng Philippine Bill of 1902 (na naging Philippine Organic Act of 1902) upang paganahin ang pagsasarili sa pamamahala, bagamat patuloy na ipinapatupad ang Chinese Exclusion Act, at hindi binibigyan ng karapatan ang mga Amerikanong itim na maging mamamayan ng Estados Unidos. Mula dito ay nalikha ang Philippine Assembly na may itinatalagang dalawang kinatawan sa kongreso ng Estados Unidos, bilang pagpapalawig sa US Bill of Rights ng mga Pilipino, at paglatag ng pundasyon ng sariling pamahalaan. Ang kolonya ay patungo sa kasarinlan na nakamit sa bisa ng Treaty of Manila noong 04 Hulyo 1946 Huwebes.

Ang tula ni Dr. Rizal ay nabasa at naisalin ni Rosihan Anwar (1922-2011) sa wikang Bahasa Indonesia upang magsilbing inspirasyon sa mga sundalong Indonesian na nakikibaka sa kasarinlan noong Setyembre 1944. Nagawa ding basahin at bigkasin sa radyo ng Jakarta ang tula kaugnay sa ika-48 anibersaryo ng pagkamatir ni Dr. Rizal noong 30 Disyembre 1944 Sabado. Sa parehong araw, naipalimbag ng pahayagang ‘Asia Raja’ (1942-45) bilang natatanging artikulo ang tulang isinalin ni Anwar na sinakop ang halos kalahati ng pahina.

Subalit sa lahat ng mga ito ang unang Pilipinong nagsalin sa Tagalog ng tula ni Dr. Rizal ay si Andres Bonifacio (1863-97). Noong ito’y kanyang mabasa sa wikang Espanyol, agad niyang isinalin sa Tagalog upang maipamudmod sa mga Katipunero na inspiasyon ng himagsikan.

Narito ang salin ni Bonifacio na kanya ring kinabisado na may pamagat na “Pahimakas” (1896):

Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
lupang iniirog ñg sikat ñg araw,
mutiang mahalaga sa dagat Silañgan,
kalualhatiang sa ami’y pumanaw.

Masayang sa iyo’y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging mariñgal man at labis alindog
sa kagaliñgan mo ay akin ding handog.

Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ñg iba’y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.

Saan man mautas ay di kailañgan,
cípres ó laurel, lirio ma’y patuñgan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ñg Bayan.

Ako’y mamatay, ñgayong namamalas
na sa silañganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ñg luksang nagtabing na ulap.

Ang kulay na pula kung kinakailañgan
na maitim sa iyong liway-way,
dugo ko’y isabog at siyang ikinang
ñg kislap ñg iyong maningning na ilaw.

Ang aking adhika sapul magkaisip
ñg kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silañgan hiyas na marikit.

Natuyo ang luhang sa mata’y nunukal,
taas na ang noo’t walang kapootan,
walang bakás kunot ñg kapighatian
gabahid man duñgis niyong kahihiyan.

Sa kabuhayang ko ang laging gunita
maniñgas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyaw ñg diwa
pag hiñgang papanaw ñgayong biglang-bigla.

Ikaw’y guminhawa laking kagandahang
ako’y malugmok, at ikaw ay matanghal,
hiniñga’y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko’y masilong sa iyong Kalañgitan.

Kung sa libiñgang ko’y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mañga labi mo’y mangyaring ílapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.

At sa aking noo nawa’y iparamdam,
sa lamig ñg lupa ñg aking libiñgan,
ang init ñg iyong pag hiñgang dalisay
at simoy ñg iyong pag giliw na tunay.

Bayaang ang buwan sa aki’y ititig
ang liwanag niyang lamlám at tahimik,
liwayway bayaang sa aki’y ihatid
magalaw na sinag at hañging hagibis.

Kung sakasakaling bumabang humantong
sa cruz ko’y dumapo kahi’t isang ibon
doon ay bayan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.

Bayaan ang niñgas ñg sikat ñg araw
ula’y pasiñgawin noong kainitan,
magbalik sa lañgit ñg boong dalisay
kalakip ñg aking pagdaing na hiyaw.

Bayaang sino man sa katotong giliw
tañgisang maagang sa buhay pagkitil:
kung tungkol sa akin ay may manalañgin
idalañgin Báyan yaring pagka himbing.

Idalañging lahat yaong nañgamatay,
nañgagtiis hirap na walang kapantay;
m̃ga iná naming walang kapalaran
na inahihibik ay kapighatian.

Ang m̃ga bao’t pinapañgulila,
ang m̃ga bilangong nagsisipag dusa:
dalañginin namang kanilang mákita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.

At kung ang madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libiñgan’t,
tañging m̃ga patay ang nañgag lalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.

Ang kanyang hiwaga’y huwag gambalain:
kaipala’y mariñgig doon ang taginting,
tunog ñg gitara’t salterio’y mag saliw,
ako. Báyan, yao’t, kita’y aawitin.

Kung ang libiñgan ko’y limót na ñg lahat
at wala ñg kruz at batóng mábakas,
bayang lina~gin ñg taong masipag,
lupa’y asarolin at kanyang ikalat.

At m̃ga buto ko ay bago matunaw
máowi sa wala at kusang maparam,
alabók ñg iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo’y makipisan.

Kung magka gayon na’y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka’t himpapawid at ang pañganorin
m̃ga lansañgan mo’y aking lilibutin.

Matining na tunóg ako sa diñgig mo,
ilaw, m̃ga kulay, masamyong pabañgó,
ang úgong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ñg pananalig ko.

Báyang iniirog, sákit niyaring hirap,
Katagalugang kong pinakaliliyag,
dingin mo ang aking pagpapahimakas:
diya’y iiwan ko sa iyo ang lahat.

Ako’y patutuñgo sa walang busabos,
walang umiinis at verdugong hayop:
pananalig doo’y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo’y haring lubos.

Paalam, magulang at m̃ga kapatid
kapilas ñg aking kaluluwa’t dibdib
m̃ga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.

Pag pasalamatan at napahiñga rin,
paalam estrañgerang kasuyo ko’t aliw.
paalam sa inyo m̃ga ginigiliw:
¡mamatay ay siyang pagkagupiling!

Sa kasalukuyan mahigit na sa isandaang wika sa buong mundo ang nagawang maisalin ang tula ng bayani at nagsilbing inspirasyon ng maraming lahi sa maraming henerasyon. Makikita malapit sa Dambana ni Rizal sa Fort Santiago ang mga inukit na nakakuwadradong isinaling ‘Mi Ultimo Adios’ mula sa iba’t ibang wika.

Maligayang Araw ni Rizal!