
VATICAN CITY — Libo-libong deboto mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagtipon sa St. Peter’s Basilica nitong Miyerkules, Abril 23, upang magbigay ng huling respeto kay Pope Francis, na kasalukuyang nakaburol sa loob ng tatlong araw bago ang kanyang libing sa Sabado.
Sa ilalim ng mainit na araw ng tagsibol, dumagsa ang mga tao sa boulevard patungong Vatican, mabagal na umuusad papasok ng basilica upang masilayan ang katawan ng yumaong Santo Papa, na nakahimlay sa bukas na kabaong.
Si Pope Francis, 88 anyos, ay pumanaw noong Lunes matapos umanong atakihin sa utak habang nasa kanyang kwarto sa Santa Marta guesthouse sa Vatican. Ang kanyang labi ay inilipat sa basilica sa pamamagitan ng isang solemneng prusisyon kasama ang mga cardinal, obispo, madre, at mga Swiss Guards na bumagtas sa St. Peter’s Square, kasabay ng mga Latinong panalangin at mahinhing kampana.
Habang tinatahak ang plasa, umalingawngaw ang palakpakan ng libo-libong tao — isang tradisyonal na pagpaparangal sa Italya para sa mga dakilang namayapa.
“Parang kapamilya na rin siya. Siya ‘yung naging dahilan kung bakit naging bukas at inclusive ang simbahan,” ani Rachel Mckay, isang pilgrim mula sa Britain.
Makikitang emosyonal ang ilan sa mga dumalo, kabilang si Sr. Genevieve Jeanningros ng Ostia, na kilala sa kanyang adbokasiya para sa LGBTQ community. Aniya, ilang beses nang bumisita si Pope Francis sa kanilang lugar — isa sa mga dahilan kung bakit malapit ito sa kanyang puso.
Si Pope Francis ang unang Latin American pope at kilala bilang isang progresibo at “people’s pope.” Sa kabila ng kanyang mga karamdaman, huli siyang nakita sa publiko nitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, sakay ng kanyang puting popemobile, na ikinatuwa ng mga deboto.
Inaasahang dadalo ang mga world leaders sa libing ng Santo Papa ngayong Sabado — kabilang si US President Donald Trump, na kilalang madalas makabangga ni Francis sa mga isyu tulad ng immigration. Kumpirmado rin ang pagdalo ng mga pinuno mula sa Italya, France, Germany, Britain, Ukraine, Brazil, European Union, at Argentina.
Hindi pa tiyak kung kailan magsisimula ang conclave para sa pagpili ng bagong Santo Papa, ngunit inaasahang hindi ito bababa sa Mayo 6. Ayon sa mga bookmaker sa Britain, kabilang sa mga maagang paborito sina Cardinal Luis Antonio Tagle mula sa Pilipinas at Cardinal Pietro Parolin ng Italya.
Sa seremonyang ginanap kanina, makikitang magkatabi sina Tagle at Parolin sa harap ng altar kung saan inilatag ang kabaong ni Francis — sa mismong lugar kung saan pinaniniwalaang nakalibing si St. Peter, ang unang Papa ng Simbahan.
Bilang isang papa na tutol sa labis na luho, tumatak si Francis sa kanyang simpleng pamumuno. Taliwas sa kagustuhan ng mga konserbatibo, binuksan niya ang simbahan para sa kababaihan, LGBTQ, at sa mga taong dati’y hindi nakakaramdam ng pagtanggap sa loob ng Simbahang Katoliko.
Ngayon, ang tanong: Magpapatuloy ba ang repormang iniwan niya? O babalik muli ang simbahan sa konserbatibong daan?
Ang sagot — ay hihintayin natin sa puting usok ng Sistine Chapel.
More Stories
No. 8 MOST WANTED SA PASIG, ARESTADO SA ISABELA!”
BITIN ANG BIDA! 2025 PBA All-STAR, KAKANSELAHIN NA
Scam Alert: DMW Binalaan ang OFWs sa Pekeng Pautang sa Facebook