November 11, 2024

TOUCHPAY CREATOR MEPS, ITINANGGING NAKIPAG-AYOS SA BTI PAYMENTS

HINDI totoong nakipag-ayos na ang Manila Express Payments Systems (MEPS) sa BTI-Philippines Inc. (BTI).

Ito ang inihayag ng MEPS matapos kumalat ang balita na naplantsa na ang gusot sa pagitan ng dalawang kompanya.

Inakusahan ng MEPS ang BTI na nangopya ng modelo ng kanilang “TouchPay” kiosk machines.

Maaalalang naglabas ng ruling ang Arbitral Tribunal ng Philippine Dispute Resolution Inc. pabor sa MEPS matapos mapatunayan na ang BTI na pinamumunuan ni Danilo Ibarra ay sinasabing nakipagsabwatan sa Electronic Transfer and Advance Processing Inc. (E-TAP) sa pamemeke ng registered utility model ng kompanya at ikinabit ito sa makina ng BTI at sa sarili nitong sistema gamit ang brand name na “Pay & Go”.

Ito ang dahilan kaya inatasan umano ng tribunal ang BTI na bayaran ang MEPS ng higit P13.4 milyon bilang danyos.

Ngunit umapela ang MEPS dahil sa kabila ng findings ng arbitral body na ang BTI ay nangopya ng makina kasapakat daw ang E-TAP, bigo pa rin itong igawad ang claims ng kompanya na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso.

May nakabinbin ding hiwalay na infringement case ang MEPS laban sa E-TAP sa Paranaque City Regional Trial Court o RTC Branch 258.

Makaraan ang mga pagsalakay ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights Division o NBI-IPRD noong 2021 na nagresulta sa pagkakasabat ng ilang automated payment machines na may label na “Xytrix” / “ZoomPay” machines na pag-aari ng Xytrix Systems Corporation o Xytrix at pinagagana ng E-TAP, nakakita umano ng sapat na batayan ang Muntinlupa RTC Branch 203, sa pamamagitan ni Judge Myra Quiambao, para mag-isyu ng warrant of arrest laban sa mga opisyal ng kompanya.

Nabatid na kabilang sa mga sinampahan ng kasong Unfair Competition sa ilalim ng Republic Act No. 8293 si Danilo Evangelista at iba pang mga opisyal ng Xytrix.