December 25, 2024

IPIT/SAMPA TAXI GROUP, NA NAMBIBIKTIMA NG MGA DAYUHAN, ARESTADO OPERATION NG NBI SA MANILA

Nahulog na nga sa kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang grupo na nambibiktima ng mga dayuhan na kanilang hinoholdap sa Madre Ignacia Street, Malate, Manila.

Base sa pahayag ng NBI, matagal na rin nilang sinusubaybayan ang ‘Ipit/Sampa Taxi Robbery Group’ hanggang maaktuhan ang mga ito na muling naghahanap ng kanilang bibiktimahin sa naturang lugar.

Kabilang sa naaresto sina Darry Sunga Eugenio, leader ng naturang gang; Ryan Espadero, taxi driver; at Ramil Talampas, pawang naninirahan sa Tondo, Manila.

Patuloy namang tinutugis ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Ramil Gala-Gala at isang alyas Anthony. Sa imbestigasyon ng Anti-Organized Interdiction Crime Division ng NBI, lumilitaw na gamit sa modus ang taxi na minamaneho ng suspek para maghanap ng bibiktimahin.

Pagsakay ng biktima sa taxi, idadaan ng driver ang sasakyan sa lugar kung saan naroroon ang kanyang mga kasamahan at iipitin sa loob ng taxi ang kanilang biktima at kukunin ang pera, cellphone at ipang mahahalagang gamit.

Noong 2019, umabot sa 50 foreign nationals ang nabiktima ng grupo at isang babaeng Chinese ang ni-rape pa ng dalawang miyembro nito.