November 24, 2024

ANAK NI DOJ CHIEF  REMULLA NAGHAIN NG ‘NOT GUILTY’

Naghain ng “not guilty” plea si Juanito Jose Remulla III, anak ni Department of Justice chief Boying Remulla, kaugnay ng kasong possession of illegal drugs nitong Biyernes sa Las Piñas Regional Trial Court, ayon sa kanyang abogado na si Atty. Jose Christopher Belmonte. 

Hindi nagpunta nang personal sa korte sina Remulla at ang kaniyang abogado dahil sa pamamagitan ng video conference idinaos ang arraignment para sa kaso niyang paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act. 

Kasunod namang itatakda ang petsa ng presentation of evidence. 

Matatandaang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) si Remulla III, sa Las Piñas noong Oktubre 11 matapos umanong tanggapin ang package ng high grade marijuana na nagkakahalagang P1.3 milyon. 

Ang batang Remulla ang consignee sa package na naglalaman ng dalawang packets ng high-grade marijuana. 

Nauna na ring sinabi ni DOJ chief Remulla na didistansiya siya sa kaso.