Pansamantalang inalis at inilipat sa ibang tanggapan ang dalawang opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos ireklamo ni Noveleta, Cavite Mayor Dino Reyes Chua.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, inireklamo ni Mayor Chua ang dalawang opisyal hinggil sa paghingi umano ng maraming dokumento para sa pagbibigay ng ayuda sa mga sinalanta ng bagyong Paeng.
“Si Mayor Chua ng Noveleta, Cavite ay nagrereklamo po siya na madami raw pong hinihingi na dokumento [at] papeles ang DSWD gayong ang kanyang mga constituents ay humihingi lamang ng ayuda,” ayon kay Tulfo.
Sinabi ni Chua sa ilang panayam sa media na kabilang sa mga rekisitos ng DSWD ay mga certificate of indigency, barangay clearance, at mga ID.
Ayon kay Tulfo, nauna nang sinabi ng dalawang opisyal na wala sa listahan ng social workers ang mga residenteng nagreklamo na hinihingan sila ng mga dokumento.
Pinatawag ni Tulfo ang dalawang opisyal sa DSWD Central Office sa Quezon City para maibigay ang kanilang panig sa inasagawang imbestigasyon.
Tatayo munang acting regional director ng DSWD IV-A si Assistant Secretary for Special Concerns Marites Mortel Maristela.
“I am doing this, I am relieving two of the personnel, officials para po hindi na mangyari ito, ‘yong mga sinasabi ni Mayor Chua na andaming hinihingi na mga requirement, andaming ganito, binaha na nga, binagyo na nga,” ani Tulfo.
“Para ma-satisfy ang reklamo ni Mayor Chua, nagbaba na ako ng relief order doon sa dalawang opisyal ko para magpaliwanag din kung ano talaga at maimbestigahan po. Kaya ko rin sila nilagay sa Office of the Secretary para hindi maimpluwensyahan ‘yong conduct of our investigation.”
Humingi ng paumanhin si Tulfo sa mga taga-Noveleta sa pangyayari at nangakong magiging patas ang imbestigasyon nila sa insidente.
Ayon kay Tulfo, may sariling isinasagawang imbestigasyon si Chua sa insidente at magpapasahan sila ng kani-kanilang report sa pangyayari.
Dagdag ng kalihim, inatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag nang pahirapan ang mga biktima ng kalamidad sa pagkuha nila ng ayuda.
Ginawa aniya itong aksyon para maiwasang maulit ang ganitong sitwasyon sa ibang lugar o sa susunod na kalamidad.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA