November 3, 2024

MAS MABANGIS NA NU BULLDOGS SA UAAP BASEBALL SEASON ’85

NU Bulldogs Baseball team manager Wopsy Zamora

SUMISINGASING ang dating ng National University (NU) Bulldogs habang nasa komprehensibong pagsasanay at preparasyon para sa 85th Season ng Universities Athletic Association of the Philippines (UAAP) Men’s Baseball Championship sa susunod na semestre.

Optimistiko si NU baseball team manager Wopsy Zamora na ang komposisyon ng  kasalukuyang Bulldogs  IX ay hahataw ng produktibong ani at resulta sa paparating na baseball season at ramdam na niya ang determinasyon ng mga bata na unti-unti nang nakalaya sa tenggang idinulot ng pandemya.

Sinabi naman ni Bulldogs head coach Egay de los Reyes  na matagal nang handa ang team sa giyera ng UAAP baseball maging noong bago krisis ng covid dahil binubuo ng koponan ng halos 90% ay galing sa junior baseball program ng National University noon pang 2019.

“Ready na anytime ang ating Bulldogs.Hear us bark harder and louder at the diamond,” wika ni de los Reyes, dating national player, national coach at kasalukuyang collegiate head mentor.

Ang champion caliber NU Bulldogs ay binubuo nina promising pitcher Reynante Aranzanso, John Kyle Nico Calanday, Mar Joseph Carolino- best pitcher noong UAAP 2018 mula Pangasinan, rookie pitcher Amiel de Guzman-good hitter/slugger mula Calaca, Batangas, Kyle John Peter Ilagan, Francis Liguayan, Joven Kenneth Maulit, Jude Kevin Maulit, Noel Mercader-catcher/big hitter, John Kiel Olazo-MVP UAAP juniors, team captain Nigel Paule, Julius Cesar Soriano, Herald Tenorio, Cyril  Broz Antipolo,Kent Joe Alterejos at Fil-Jap slugger Keishi Okamoto.

“Most of our players can play multi-position. Sinasabi nila malakas kami, ang  pruweba kasi ay nang magkampeon ang IPPC baseball squad na halos binubuo ng NU Bulldogs na  bahagi ng aming training, sa nilahukang 1United Baseball Championship kamakailan,” ani pa de los Reyes sa panayam kasabay ng pasasalamat niya sa todo suporta ng team management partikular kay manager Wopsy Zamora na siyang kumakalinga sa lahat ng kailangan ng team, NU community, athletic director Otie Camangyan, top brass Nilo Ocampo at pres. RJ Ermita at Chairman Hans Sy.