January 24, 2025

UMAK Football Club Pasiklab sa Pacman Challengers’ Cup

DINOMINA ng University of Makati Football Club ang Malaya Football Club sa magkahiwalay na dibisyon sa pagsisimula ng aksyon sa Pacquaio 3-in-1 Challengers Cup Football Championships nitong nakaraang weekend sa University of Makati Football Stadium.

Ginapi ng UMAK Falcons ang matikas na Malaya FC, 2-1, sa Under-23 men’s class, habang nanaig ang UMAK Herons sa ladies squad ng Malaya, 4-3, sa torneo na inorganisa ng Isports Management Corporation sa pakikipagtulungan ng YFL.PH at host University of Makati.

Sa kabila ng pabugso-bugsong pag-ulan dulot ng bagyong ‘Paeng’ay  sumipa pa rin ang torneo na naglalayon na mapaangat ang estado ng football sa masang Pinoy at makatuklas ng mga talent na posibleng mabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa varsity squad at sa Philippine Team na isasabak sa iba’t ibang kompetisyon sa abroad.

Kabuuang 13 koponan – walo sa U23 men’s at lima sa ladies class – ang tumugon para mabigyan nang sapat na venue ang mga kabataang baghahangad na mapataas ang kalidad ng mga talento.

Kabilang sa mga kalahok sa Men’s ang Forza FC, Kaya FC, Adamson FC, PUP FC, Malaya A, Malaya B, Chronos FC, UMAK FC, habang magtutunggali sa Ladies division ang Azurri C, Forza FC, UMAK, Malaya FC at Nomads FC.

Inaanyayahan ng organizers ang mga kabataan, sports enthusiast at buong pamilya na makibahagi sa mga laro na mapapanood ng libre tuwing weekend.