ARESTADO ang tatlong holdaper, kabilang ang isang menor-de-edad habang nakatakas naman ang isa pa matapos holdapin ang isang pampasaherong jeep sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek bilang si Jolino Martinez, 24, fisherman, JC Funa, 18, fisherman, kapwa ng Navotas City at ang menor-de-edad na lalaki habang tinutugis pa ang isang certain Wendel, 19 ng Salaysalay St., Brgy. 8, Caloocan City.
Batay sa imbestigasyon nina PSSg Mardelio Osting at PSSg Diego Ngippol, sakay ang biktimang si Laarni Seva, 32, sa pampasaherong jeep na minamaneho ng kanyang asawang si Herman Seva Jr nang sumakay ang mga suspek sa Sabalo St., Brgy. 8, Caloocan City at nagpanggap na mga pasahero.
Pagsapit sa harap ng isang restaurant sa P. Aquino corner Dagat-dagatan Avenue, Brgy. Tonsuya, Malabon City dakong alas-10:30 ng gabi ay bigla na lamang naglabas ng baril at patalim ang mga suspek sabay pahayag ng holdap saka sapilitang kinuha ang pera at personal na mga gamit ng mga pasahero.
Matapos nito, kaagad bumaba ang mga suspek sa jeep at tumakas habang nagtakbuhan sa magkakaibang direksyon ang ibang mga pasahero samantalang i-nireport naman ng biktima ang insidente sa Sub-Station 6 ng Malabon police.
Kaagad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng SS6 sa pangunguna ni PLT Benedicto Zafra na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek at nakumpiska sa kanila ang P300 cash, Barangay ID, wallet at isang patalim na nakuha kay Martinez.
More Stories
IKA-85 ANIBERSARYO NG QCPD IPINAGDIWANG
DEP ED TANAY SIKARAN HIGHLANDERS BEST BETS PAPAKITANG GILAS NGAYON SA RIZAL PROVINCIAL MEET
Bachmann ng PSC, Reyes ng PCSO papalo sa Plaridel golfest