January 24, 2025

Security guard arestado sa baril at pagsusuot ng PNP uniform (Check point tinakbuhan)

ISINELDA ang isang security guard matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril at nakasuot pa ng tactical block PNP uniform makaraang takbuhan ang mga pulis na nagsasagawa ng check point habang sakay ng isang motorsiklo sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek bilang si Mark Joseph Pelayo, 35, Security Guard, at residente ng No. 016 Gate 17, Parola Compound, Zone 1, Barangay 20, Tondo, Manila.

Sa imbestigasyon nina PSSg Mardelio Osting at PSSg Ernie Baroy, habang nagsasagawa ng checkpoint sa kahabaan ng M.H. Del Pilar Avenue Corner Yanga Street, Barangay Maysilo dakong alas-3:40 ng madaling araw ang mga tauhan ng Sub-Station 3 sa pangunguna ni PLT Joseph Alcazar, kasama ang TMRU at SWAT team nang parahin nila ang suspek na sakay ng isang kulay pulang Honda XRM motorcycle.

Sa halip na huminto, pinaharurot umano ng suspek ang kanyang motorsiklo patungong Brgy. Tinajeros na naging dahilan upang habulin siya ng mga tauhan ng TMRU at SWAT hanggang sa makorner  sa isang gasolinahan sa Brgy. Tugatog.

Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek ang isang cal. 9mm pistol na kargado ng isang magazine at sampung bala na nakasukbit sa kanyang baywang gamit ang isang tactical holster na itim at nang hanapan ng kaukulang mga dokumento sa naturang baril ay wala siyang naipakita na naging dahilan upang arestuhin siya ng mga pulis.

Nahaharap ang suspek sa kasong RA 10591, Resistance and Disobedience to a Person in Authority (Art. 151 of RPC), at Illegal use of Uniform and Insignia (Art. 179 of RPC).