December 26, 2024

Bangkay ng babae lumutang sa estero sa Navotas

ISANG bangkay ng hindi pa kilalang babae na hinihinalang ilang araw ng patay ang lumutang sa esterong nag-uugnay sa baybaying dagat Linggo ng tanghali sa Navotas City.

Sa pagsisiyasat ni Navotas police homicide investigator P/Cpl. Florencio Nalus, namamaga na ang mukha at buong katawan ng babaing tinatayang nasa 5’2 ang taas at nakasuot ng itim na t-shirt at maong na short pants kaya’t hindi na makilala ang kaanyuan nang madiskubreng nakalutang ng pataob sa estereong nag-uugnay sa dalampasigan sa Tambak 1 Brgy. Tanza 2 pasado alas-11 ng tanghali.

Ayon sa 76-anyos na residente sa naturang lugar na si Alberto Santos, palabas siya ng kanilang bahay nang mamataan ang nakasubsob na katawan ng tao sa bahagi ng estero kaya’t kaagad niyang ipinabatid ito sa kanilang barangay at sa Tanza Police Sub-Station 1.

Nagresponde rin sa lugar ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) subalit bigo silang makakuha ng anumang gamit na puwedeng mapagkakakilanlan sa biktima habang wala isa man sa mga naninirahan doon ang nakakakilala sa babae.

Pansamantalang nasa pangangalaga ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang labi ng biktima upang maisailalim sa Libreng Libing Program ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa oras na matapos ang isasagawang autopsy examination sa bangkay upang malaman ang dahilan ng kanyang pagkamatay.