November 24, 2024

Mekaniko isinelda sa baril, panghihipo at pagbabanta sa Malabon

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang 41-anyos na mekaniko matapos pagbantaan ang isang babaeng vendor habang may hawak na baril makaraang himasin ng suspek na lango sa alak ang mga hita ng bebot sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, narekober ng mga tauhan ng Sub-Station 5 na sina P/Cpl. Romel Fader at P/Cpl. Johnny Hobi, Jr. ang isang caliber .45 pistol na may magazine at kargado ng apat na bala mula kay Christopher Rafael, 41, ng Poblacion, Brgy. Lumadegato, Marilao, Bulacan, matapos maaresto dahil sa pagbabanta sa 39-anyos na vendor na pumalag nang hawakan at himasin niya ang mga hita nito.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol, habang nakaupo ang biktima sa harap ng kanyang ice cream store sa Paradise Village, Brgy Tonsuya dakong alas-10:30 ng gabi nang lumapit ang suspek na lango sa alak at bigla na lamang hinawakan ang mga hita ng bebot.

Nagalit ang biktima at tinangkang manlaban sa suspek, bumunot ng baril at pinagbantaan ang babae.

Ilang mga kapitbahay na nakasaksi sa insidente ang tumulong sa biktima hanggang sa dumating ang rumesponding mga tauhan ng SS-5 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Ani Col. Barot, walang naipakita ang suspek na mga kaukulang dokumento para sa naturang baril at bala nito nang hanapan siya ng mga pulis.

Kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, Acts of Lasciviousness at Grave Threat ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office.