November 19, 2024

Diamante, Obebe kapwa nagningning sa COPA Reunion Swim Challenge

NAGSALO sa tagumpay sina Nicola Queen Diamante at Paulene Beatrice Obebe matapos madomina ang  kani-kanilang age-group class  sa pagsisimula ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Reunion Swim Challenge 3rd leg nitong Sabado sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Center sa Malate, Manila.

Ang 11-taong-gulang na si Diamante mula sa RSS Dolphins Swim Club ay nanguna sa girls class A ng  50-m butterfly sa oras na 34.72 segundo at sa 50-m freestyle (31.69) para simulan ang kampanya na mapantayan ang matikas na apat na gintong medalyang napagwagihan sa  second leg ng tournament nitong Agosto.

“Nagtraining lang po kami ni coach kahit balik na sa school at nabawasan yung load sa oras. Yung mission ko po kasi talaga every tournament malagpasan ko yung personal best ko at manalo ng gold medal,” pahayag ni Diamante, nagninning din sa nakopong pitong gintong medalya sa COPA’s Novice Swim Fest sa nakalipas na buwan.

Laban sa mga karibal na kinabibilangan ng mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan at ilang koponan ng probinsiya, nagtagumpay si Obebe sa girls 12-yrs 50-m freestyle Class A (29.97) at 50-m butterfly (31.22) sa grassroots developmental tourney na a inorganisa ng COPA sa pakikipagtulungan ng Samahang Manlalangoy ng Pilipinas (SMP), Philippine Sports Commission (PSC), Speedo and MILO.

‘Masayang masaya po ako, talagang naghanda po ako ng todo para sa tournament na ito. Ito po regalo ko sa pagtitiyaga ni coach at sa suporta ng parents ko, “ sambit ni Obebe mula sa Aqua Sprint Swim Club.

Sinisikap nina Diamante at Obebe na ipagpatuloy ang kanilang winning run habang nagpapatuloy ang aksyon ngayong araw (Linggo).

Sinabi ni Tournament Director Chito Rivera na bukod kina Diamante at Obebe, ilang mga swimmers sa lower class ang muling nagwagi na pagpapatunay na ang serye ng kompetisyon ay nakatutulong para sa pagpapabuti at pagpapanatili ng kanilang mental prepardeness.  Gayundin ang pagsasama ng mas maraming kalahok mula sa mga pampublikong paaralan ay nakatanggap ng positibong tugon mula sa mga atleta.

Ang dating National mentor at COPA co-founder na si Pinky Brosas ay nakisama kina Rivera at technical director Richard Luna sa paggawad ng mga medalya at sertipiko sa lahat ng mga medalists at kalahok.

“Itong klaseng programa ang kailangan ng Philippine swimming. Ang mas maraming paligsahan ay mas mataas ang pagkakataong matuklasan natin ang mga mahuhusay na manlalangoy. At kung mabibigyan natin ng tamang training and education pati yung mga coaches nila, walang duda na talagang may mararating ang ating mga atleta. Malaking bagay din itong initiative ni Cong. Eric Buhain na pasasalihin din ng libre yung mga underprivilage students natin sa public schools, dahil yung mga tagong talento nila lalabas yan at sa huli mapapakinabangan ng ating bansa sa international tournaments,” pahayag ni Brosas, two-time Olympian at mentor ng mga Pinoy swimming champion na kinabibilangan ni Buhain.

Ang iba pang mga nagsipagwagi ay sina  Jane Therese Barbosa in girls 10-under 200-m Individual Medley (3:21.62); Anod Jose Padre (boys 200m IM, 3:19:21); Kirsten Angel Escala (girls 11- 50-mbutter Class B, 40.44); Cathlene Joy Hergania (class C, 44.01); Veronika Ella Lumapas (girls 12-50m butterfly, class B, 37.60); Joe Vanie Gonzales (class C, 42.97); Leatriz Balucating (girls 13 50m fly , class A, 33.07); Kyle Cruz (class B, 34.50); Maria Barreto in grisl 14 50m fly  (class A, 30.44); Niki Atienza  (class B, 33.72); Riana Santiago (class C, 38.20); Marie Estrella (girls 150over 50, fly, class A, 31.98); Ysabelle Aleazar (class B, 32.54); Ysabelle Abejero (class C, 36.43); Alrech Sarmiento (boys 11 50-m fly, class A, 34.86); Carlisle Vasquez (class B 39.91) and Clarenz Layos (class C, 43.90).