December 26, 2024

MANILA WATER HINDI MAKATAO – GABRIELA (Filipino malulunod sa hirit na dagdag-singil sa tubig)

Binatikos ng Gabriela Women’s Party ang hirit ng dagdag-singil sa tubig ng Concessionaire Manila Water Company Inc. simula sa Enero 2023 para sa susunod na anim na taon.

“Hindi makatao ang pagtataas ng singil sa tubig sa kabila ng nagtataasang presyo ng bilihin at batayang serbisyo. Kung itutuloy ito, para na ring nilunod ang mga Pilipinong halos wala ng makain sa pang araw-araw,” ayon kay Gabriela Women’s Party Secretary General KJ Catequista.

Base sa proposal ng Manila Water, humingi ito ng karagdagang P8.04 kada cubic meter (m3). Sakaling maaprubahan, tataas ang singil sa P35.86/m3 mula sa kasalukuyang P26.81/m3.

Nais din ng Manila Water na magpatupad ng taunang pagtaas kabilang ang P5/m3 sa 2024; P3.25/m3 sa 2025; P1.91/m3 sa 2026; P1.05m/3 sa 2027; at P0.97/m3 sa 2028.

“Halos taon-taong tumataas ang singil sa tubig, pero halos taon-taon din naman ang serye ng service interruptions at bulok na serbisyo. Tapos ngayon, pilit na ipapalunok sa masa ang mataas na singil sa tubig,” ayon kay Catequista.

Saad pa ni Secretary General KJ Catequista na itong unprecedented water rate hike proposal ay isa sa maraming dahilan kung bakit naging kritikal ang Makabayan bloc sa pagbibigay ng prangkisa sa mga water concessionaires tulad ng Manila Water at Maynilad.

“This unprecedented water rate hike confirms the failure of water privatization and the need for public control of this essential service. Prayoridad kasi ng mga korporasyong ito ang tubo kaysa serbisyo sa mamamayan,” saad ni Catequista.

Nananawagan ang Gabriela sa mamamayang Filipino na i-reject itong hirit na taas-singil sa tubig at sa Kongreso na repasuhin ang mga bagong prangkisa ng Manila Water at Maynilad.