WALANG dapat ikabahala ang publiko, higit yaong mga die-hard fans ng basketball sa lumalaking bilang ng Pinoy professional cagers na kinukuha para maglaro sa iba’t ibang pro leagues sa Asia at sa Europe.
Iginiit ni Games and Amusements Board (GAB) head of professional basketball division and other pro sports Dr. Jesucito ‘Bong’ Garcia na mas makabubuti keysa sa makakasama sa pro basketball ang nagaganap na ‘importasyon’ ng mga Pinoy star players bunsod nang exposure sa talent ng Pinoy sa abroad at sa maiaambag sa ekonomiya ng bansa na lubhang naaapektuhan ng pandemya.
“Unang-unang po, walang kakulangan sa pro basketball players sa bansa, actually mas dumami pa ang bilang ng aming mga nabibigyan ng lisensya dahil na rin sa pagusbong ng iba’t ibang pro league hindi lamang sa regular five-of-five bagkus pati na rin sa 3×3,” pahayag ni Garcia sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ kahapon sa Behrouz Persian Cuisine.
Sinabi ni Garcia na nakatatanggap sila ng kopya ng mga kontrata ng mga naturang players at sa masinsin na pag-aanalisa na walang illegal sa mga ito at hindi nalalagay sa alanganin ang mga Pinoy cagers.
“Kami po sa GAB, duty namin at responsibilidad na masigurong maayos ang magiging lagay nila sa lugar kung saan sila lalaro. Bago namin sila bigyan ng go signal siguradong nasa ayos ang lahat. Walang dapat ikabahala dahil hindi namin sila bibigyan ng licensed kung alam naming na alanganin sila sa kontrata nila,” sambit ni Garcia sa lingguhang sports forum sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC). Games and Amusements Board (GAB), Pagcor, at Behrouz Persian Cuisine.
Kamakailan, idinulog pa ni PBA Commissioner Willy Marcila sa Senado ang aniya’t ‘exodus’ ng mga Pinoy pro players sa abroad at ikinabahalang maapektuhan ang sistema ng liga gayundin ang katayuan ng basketball bilang premyadong sports ng sambayanan.
Sa kasalukuyan, mahigit isang doseng Pinoy cagers ang naglalaro at may malalaking kontrata sa abroad tulad ng magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena sa Japan Basketball League at Dwight Ramos at Greg Slaughter sa Korea.
Ayon kay Garcia ang dolyar na sinusuweldo ng mga naturang players ay malaking tulong sa bumabawing ekonomiya ng bansa, higit at naipapakita sa world stage ang husay at galing ng mga Filipino sa professional basketball.
“Tulad ng mga nurses, at iba pang overseas Filipino workers, Malaki ang ambag ng mga international Pinoy players sa ating ekonomiya dahil sa nare-remit nilang dolyar. Sa kasalukuyan sitwasyon na mataas ang dolyar, tapik sa balikat ito para sa pamahalaan,” sambit ni Garcia.
Wala ring dapat ipagamba dahil ang kaganapan ay magbibigay din ng pagkakataon sa iba pang players na makalipat at makapaglaro sa PBA mula sa kasalukuyan nilang kinalalagyang liga.
Sa pamumuno ni dating GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, nagsulputan ang nagpalisensya sa GAB ang iba’t ibang pro basketball league tulad ng MPBL ni dating Senator Manny Pacquiao, ang NBL at WNBL ni Rose Garcia, VisMin Cup, Chooks to Go 3×3 ni Ronald Mascarinas at Philippine Super League ni Rocky Chan.
“Ang maganda ngayon ang daming pro league na mapaglalaruan ngayon ang ating mga players, from this league parang farm league na rin ito na magagamit sa recruitment ng PBA,” pahayag ni Garcia.
More Stories
DOF: RECTO NAKAKUHA NG STRONG AI INVESTMENT INTEREST SA WEF
COMELEC IPINAGPATULOY PAG-IMPRENTA SA MGA BALOTA (Matapos ang ilang ulit na pagkaantala)
MPD, MAGPAPATUPAD NG ‘ROAD CLOSURES’ PARA SA PAGDIRIWANG NG CHINESE NEW YEAR