November 3, 2024

VM YUL OIC NI LACUNA (Habang nasa C4 World Mayors Summit)

Photo Courtesy of Vice Mayor Yul Servo

Pansamantalang mauupo bilang alkalde ng Maynila si Vice Mayor Yul Servo.

Ito’y matapos na umalis palabas ng bansa si Mayor Honey Lacuna para dumalo sa C4 World Mayors Summit na gaganapin sa Buenos Aires, Argentina.

Pansamantala naman hahalili kay Servo si 3rd District Councilor Apple Nieto-Rodriguez na siya ring mauupo bilang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod dahil siya ang may pinakamaraming boto mula sa mga kumandidato sa pagka-konsehal ng lungsod sa nakalipas na halalan.

Kaugnay mito, hiniling ni Servo Nieto sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na magkaisa nilang ipanalangin ang mapayapa at ligtas na paglalakbay ng alkalde pati na rin ang matagumpay na pakikilahok niya sa pandaigdigang summit ng mga mayor mula sa iba’t-ibang sulok ng daigdig.

Ang alkalde ng lokal na pamahalaan ng Maynila at ng Quezon City ang tanging naimbitahang dumalo sa tatlong araw na summit.

Bago ang ginawang pag-alis palabas ng bansa ni Mayor Honey, sinabi ni Acting Mayor Yul Servo Nieto na ipinagbilin sa kanya ng alkalde ang pagpapanatili ng maayos, malinis at tapat nilang paghahatid ng serbisyo sa mga kapwa Manileño.