TINATAYANG nasa 100 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P12,000.000 ang nasabat ng pulisya sa dalawang High Value Individual (HVI) na naaresto sa ginawang buy-bust operation Miyerkules ng umaga sa Caloocan City.
Pinangunahan ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Renato Castillo, hepe ng of District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang ikinasang operasyon dakong alas-9:25 ng umaga sa parking lot ng isang sikat na fast food chain sa Brgy. 8, Caloocan City na nagresulta sa pagkakakumpiska sa bloke-blokeng marijuana at pagkakadakip sa dalawang suspek.
Mismong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/BGen. Jonnel Estomo ang nagtungo sa naturang lugar upang kilalanin ang mga suspek na sina John Kenneth Herna, 30 ng 256 Walingwaling St. at Grant Gallano, 24 ng 15 Guyabano St. na parehong nasa Pangarap Village, Brgy. 182 sa naturang lungsod.
Natuklasan ni BGen. Estomo na kinukuha ng mga suspek ang nakumpiska sa kanilang bulto ng marijuana sa Kalinga, Apayao at ibinabagsak nila sa kanilang mga kliyente sa area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) at kalapit na lalawigan ng Bulacan, gamit ang nirerentahan nilang sasakyan.
Ayon kay Estomo, kumagat sa pain ng DDEU ang dalawa, nang makipag-transaksiyon sa kanila ang mga pulis na nagpanggap na buyer na pinangunahan ni P/SMSgt. Michael Tagubilin.
Bukod sa markadong salapi na kinabibilangan ng isang piraso ng tunay na P1,000 at 41 piraso ng P1,000 boodle money na ginamit na pambili ng isang bloke ng marijuana, nakuha rin sa loob ng ginamit na sasakyang itim na Hyundai Accent na may plakang VAA 1963 na inarkila ng mga suspek sa isang rent a car ang may 100 kilo ng marijuana at fruiting tops, notepad na listahan ng kanilang mga transaksiyon, cellular phone, apat na garbage bag at isang eco bag.
Personal na binati naman ni BGen. Estomo ang mga tauhan ng DDEU sa matagumpay na operasyon at sinabing hindi titigil ang puwersa ng pulisya sa pagtugis at pagdakip sa mga taong sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA