November 24, 2024

SWIM LEAGUE PH AT MANILA SPORTS COUNCIL MAGKAKAMPAY SA NOB. 5

KASADO na ang tambalan ng Swimming League Philippines (SLP) at Pamahalaang Lungsod ng Maynila para maisagawa ang Manila Swim Fest sa Nobyembre 5 sa Philippine Columbian Association (PCA) swimming pool sa Plaza Dilao, Paco, Manila.

Nilagdaan nina SLP Acting President Fred Ancheta at Manila Sports Council (MASCO) Chairman Roel De Guzman kamakailan ang Memorandum of Agreement (MOA) para maisulong ang programa sa sports ng Maybila at maging bahagi ng SLP grassroots swimming program.

“On behalf of Manila Mayor Dr. Honey Lacuna, nakikiisa ang lungsod ng Maynila sa malawakang programa ng SLP sa grassroots swimming. Malaking bagay ito para sa mga kabataan ng lungsod upang higit ma mapalakas ang kanilang kalusugan at maituon ang atensyon hindi lamang sa pag-aaral bagkus sa sports. Marami na ring taga-Maynila ang naging bahagi ng Philippine Team pati sa swimming,” pahayag ni De Guzman.

Kabilang sa ipinagmamalaki ng Maynila si multi-medalist Southeast Asian Games swimmer Sancho Ilustre.

Kasama na sumaksi sa paglagda ng MOA sina SLP officer Philbert Papa, Langoy Pilipinas president Darren Evangelista at coach Jo Manoloto.

Ayon kay Ancheta, head coach din ng swimming club sa Alabang, na bahagi ang torneo sa serye ng qualifying meet na isinasagawa ng SLP para sa bunubuong koponan na isasabak sa iba’t ibang torneo sa abroad.

“Our founding chairman Joan Mojdeh is very clear in SLP mission and vision, palawakin natin ang maabot ng ating programa at maitaas ang kalidad ng swimming sa Pilipinas. Mas marami tayong kabataan na madevelop, mas malaking tsansa na makabuo ng mas maraming mahuhusay na swimmers para sa National Team,” sambit ni Ancheta.

Bukas ang torneo sa lahat ng swimming club, asosasyon, eskwelahan at individual na nagnanais na madagdagan ang karanasan sa high-level competition. Aniya, nakalinya ang mga events sa Class A, B, C at Motivational.

Naglaan din ang organizers ng insentibo na P7,000 para sa overall team champion, habang may P4,000 at P2,000 sa runner-up.

Para sa nagnanais makilahok, ipadala ang talaan ng mga atleta sa email ni coach Rolando Sarmiento na [email protected] o makipag-ugnayan kay coach Rolly Dela Cruz sa 0905-8479233 at 0919 5772982 gayundin sa SLP Secretariat 0917-714 0077.