December 24, 2024

3 drug suspects tiklo sa P550K shabu sa Caloocan

TINATAYANG mahigit P.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa tatlong drug suspects, kabilang ang isang bebot matapos malambat sa magkahiwalay na buy bust operation sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Major Dennis Odtuhan, kasama ang 3rd MFC RMFB-NCRPO ng buy bust operationa sa Bagong Barrio, Brgy. 150.

Kaagad dinamba ng mga operatiba ang kanilang target na si Melvin Paura alyas “Melvin Ulo”, 25, (pusher/watchlisted) at kanyang kasabwat na si Edrick May Valdez alyas “Mae”, 25, (pusher) matapos bintahan ng shabu ang isang pulis na nagsilbi bilang poseur-buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 75 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P510,000.00 at buy bust money.

Nauna rito, dakong alas-7:20 ng gabi nang masakote naman ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni PSMS Michael Tagubilin sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Renato Castillo sa buy bust operation sa Tanigue St., Brgy. 18 si Carlito Lubrique alyas “Bimbo”, 46, ng Blk 12, Lot 8, Phase 3C, Dagat-dagatan Avenue.

Ani PSSg Rodney Dela Roma, nakuha sa suspek ang humigi’t kumulang 6 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P40,800.00, buy bust money at coin purse. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.