PINAGTIBAY ng magkapatid na Kheith at Khevine Cruz ang katayuan bilang nangungunang junior table tennis players sa bansa sa katatapos na Filipino-Chinese Cultural and Economic Association (FCCEA) Double Ten Table Tennis Tournament sa Liberty Hall Auditorium sa Binondo, Manila.
Kasalukuyang No.1 player ng bansa sa murang edad na 15, si Kheith ng PCAF ang nangibabaw sa Women’s Open at sa Student Girls class sa tournament na inorganisa ng FCCEA sa pakikipagtulungan ng Table Tennis Association for National Development (TATAND) at Joola Philippines
Tinalo ng pride ng Paco Catholic Academy Foundation si Aileen Armando ng All Star Team sa straight set para maghari sa Open class. Nagtapos na runner-up sina Denice Cai at Lorene Uy ng TATAND.
Nakumpleto ni Kheith ang double gold medal triumph nang gapiin si Zachi Chua ng Beyond F sa isa pang straight set match sa Student Girls class. Sina Lorene Uy ng TATAND at Arianna Lim ng FCTTA ay umangkin ng bronze medals.
Si Kheith, produkto ng TATAND grassroots sports program, ay gumawa ng kanyang marka sa parehong lokal at internasyonal junior competitions bago naging pinakabatang manlalaro sa National Team na isinabak sa 2021 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Ang kanyang nakababatang kapatid na si Khevine, 13, silver medalist sa World Table Tennis Juniors tournament noong Agosto sa Bangkok, ay pumuwesto rin sa podium bilang runner-up sa Student Boys class sa likod ng kampeon na si Sean Uy ng Ateneo De Manila, Joshua Lim ng College of St. Benilde at Johnlex Wong ng Xavier School.
Sa Men’s Open, inangkin ni Paul Que ng FCTTA ang kampeonato laban kay Andrew Uy ng Ateneo. Nagtapos na runner-up sina Philip Uy at Marcos de Jesus ng TATAND.
Sa VIP class, nanguna si Wilson Tan ng host FCAAF matapos gapiin ang kasangga na si Teps Salvador. Isa pang FCCEA bet na sina Benson Cheng at Wang Ming R ang umangkin ng runner-up honors, habang sa Senior class, nanalo si Greg Pascua sa all-TATAND Finals laban kina Peter Lim at dating Table Tennis president Rufino Go at Steven Rong.
Inangkin din ni Que ang non-rank class laban kina Sean Uy at Andrew Uy ng Ateneo at Philip Uy ng TATAND.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY