December 26, 2024

PHIL TITANS, SAGWAN TANAUAN PASIKLAB SA  DRAGONBOAT FESTIVAL DAY ONE

NAGPAKITANG-GILAS sa pagsagwan ang powerhouse Philippine Titans habang umeksena naman ang Sagwan Tanauan upang ikampay ang gold medals sa kanilang kategorya sa unang araw ng kumpetisyon ng Sagwan Dragonboat Festival-Sagip Taal Lake kahapon sa Balai Isabel, Talisay sa Batangas.

Nakaungos ang Titans paddlers sa mahigpit na katunggali upang saklitin ang kampeonato ng Women’s 20-seater sa 200-meter finals sa winning time nitong  1:03:48.

Dikit na kasunod ang Team UPDT sa pang-runner-up na tiyempong 1:03:87. Malayong tesera ang  Femcor Paddlers sa isinumiteng oras na 1:04:43.

Dumoble ang tagumpay ng Phil. Titans matapos dominahin ang Mixed category 20-seater sa 200 m finals.

Sinagwan ng Titans ang kampeonatong oras na 48:14 kasumod sa finish ang UPDT sa panegundang oras na 50:46 habang nakuntento sa tersera ang Dagun Pilipinas, 50:66.

Umeksena naman ang pride ng Batangas na Sagwan Tanauan matapos pagharian ang Men’s 20-seater final sa golden paddling nitong  48:99 upang daigin sa close shave ang Dagun Pilipinas, 46:16. Tersera ang Alab Sagwan.

“Successful opener. Nakisama ang weather ang ganda ng panahon at enthusiastic ang lahat nang lumahok,” wika ni organizer JM Rabago ng R&A Events na all praises sa lahat nang konsernado sa  race festival na may temang Sagip Taal Lake. “Eto na ang tunay na kumpetisyon for a cause. Bakbakan sa pagsagwan. More paddling action and fun ang Day 2  Sunday finals,” sambit naman ni Coach Len Escollante ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation na pinamumunuan ni Teresita Uy at may basbas sa advocacy event.  

Ang dalawang araw na dragonboat festival ay sa kooperasyon ng liderato ng Balai Isabel sa pamumuno  ni Account Executive Arnnie Miano (kasabay na rin ng pagdiriwang ng asosayon), Pamahalaang Bayan ng Talisay at Grupong  Sagip Taal Lake.